TV

Endless Love: Natagpuan na nina Jenny at Johnny ang isa't isa

By Aimee Anoc

Sa ikaapat na linggo ng Endless Love, natagpuan na nina Jenny Cruz (Marian Rivera) at Johnny Dizon (Dingdong Dantes) ang isa't isa.

Sa pagbalik ni Johnny sa isla kasama ang kasintahang si Yumi Ramirez (Bela Padilla), nagkita sila ng kaibigang si Andrew Tantoco (Dennis Trillo) sa beach.

Habang iginuguhit ni Johnny ang mukha ng isang babae sa buhanginan kasama sina Andrew at Yumi napansin ito ni Jenny sa malayo at agad na tumakbo papalapit sa kanya.

Nang umuwi si Jenny sa kanilang bahay matapos na pigilan ni Andrew na sumama sa matandang lalaki, nakita siya ng kanyang kapatid na si Jojo Cruz (Gabby Eigenmann) at pinagbubugbog.

Dahil sa nangyaring pambubugbog, napagdesisyunan ni Jenny na tanggapin na ang alok ni Andrew na muling bumalik sa resort para magtrabaho.

Muling nakabalik si Jenny sa resort at nakita ni Johnny ang mga pasa sa mukha nito.

Sa galit, bumalik si Johnny sa isla para pagbayarin si Jojo sa ginawa niya sa kapatid. Binugbog at binalaan ni Johnny si Jojo na huwag nang ulitin pa ang ginawa kay Jenny.

Dahil sa walang matutuluyan si Jenny, pansamantala muna itong nanirahan sa bahay ni Johnny. Inalagaan naman siya ni Johnny hanggang sa gumaling.

Samantala, dumalaw naman sa bahay ni Johnny si Yumi at naabutan niya roon si Jenny. Ipinakilala ni Johnny si Jenny bilang pinsan niya at ipinaliwanag kung bakit maninirahan sa kanya si Jenny pansamantala.

Nalaman na ni Jenny na mayroon ng kasintahan si Johnny.

Hindi man sabihin ni Jenny ay mababakas sa mukha nito ang lungkot lalo na nang sabihin ni Yumi na malapit na silang magpakasal ni Johnny.

Kinausap naman ni Andrew si Johnny para ilakad kay Jenny pero hindi sumang-ayon si Johnny sa kanya. Matapos na makipag-usap ni Andrew kay Johnny ay dinalaw nito si Jenny.

Hindi naman naiwasang magselos ni Yumi kay Jenny dahil ito na lamang ang bukambibig ni Johnny sa tuwing magkikita sila na naging dahilan ng kanilang pagtatalo.

Muli nang nakabalik sa trabaho si Jenny sa resort nila Andrew. Ipinagtapat na rin ni Andrew ang pagmamahal niya para kay Jenny at sinabing seryoso ang nararamdaman niya para rito.

Nagpaalam na si Andrew kay Johnny na liligawan niya si Jenny at kahit na hindi ito pumayag ay itutuloy niya ang panunuyo. Hindi rin maiwasan ni Andrew na magtaka kung bakit sobrang close nina Johnny at Jenny para sa isang magpinsan.

Samantala, nagbalik na ang kapatid ni Johnny na si Shirley Dizon (Nadine Samonte) mula sa Amerika at muli silang nagkita ni Jenny. Nalaman din ni Shirley na naninirahan pansamantala si Jenny sa bahay ng kapatid.

Sa pagbabalik ni Shirley sa bahay ni Johnny, isiniwalat nito ang katotohanan kina Yumi at Andrew na hindi nila pinsan si Jenny. Kinuwestiyon naman ni Yumi ang hindi pagsasabi ng totoo ni Johnny.

Matapos ang nangyaring tapatan, kinausap ni Jonny si Jenny na walang magbabago sa pakikitungo niya para rito bilang kapatid. Sa pagpasok sa trabaho ni Johnny, sinundan ito ni Jojo at pinagbantaan.

Dumalaw naman sa resort ni Andrew si Shirley at hinahanap ito. Ano nga ba ang relasyon nina Andrew at Shirley?

Patuloy na panoorin ang Endless Love, Lunes hanggang Biyernes sa GMA Telebabad pagkatapos ng The World Between Us.

Samantala, narito ang ilan pa sa mga bida ng Endless Love at kung ano ang kanilang ginagawa ngayon: 14014