TV

Endless Love: Ang tunay na nararamdaman ni Jenny para kay Johnny

Sa ikalimang linggo ng Endless Love, nagbalik na si Shirley Dizon (Nadine Samonte) sa Pilipinas at muli silang nagkita ni Jenny Cruz (Marian Rivera).

Sa pagbalik ni Shirley, sinabi nito ang katotohanan kina Yumi Ramirez (Bela Padilla) at Andrew Tantoco (Dennis Trillo) na hindi nila pinsan si Jenny at kung paano sila napagkapalit noong mga bata pa lang sila.

Kahit na nalaman na ng lahat kung sino ba talaga si Jenny, mananatili pa rin para kay Johnny Dizon (Dingdong Dantes) ang katotohanang minsan niya itong naging kapatid at walang magbabago sa pagtingin niya para kay Jenny.

Patuloy ang pananakot ni Jojo Cruz (Gabby Eigenmann) kay Johnny tungkol sa pagsasama ni Johnny at Jenny sa iisang bubong. Sobra naman ang galit ni Jenny nang maabutang nanghihingi ng pera si Jojo kay Johnny.

Samantala, bumisita naman sa resort ang nanay ni Jenny at dito muli niyang nakita si Shirley pero pilit din naman siyang itinatanggi nito.

Muli nang nagkita sina Shirley at Andrew sa resort at nalaman nito na may panibago na namang pinopormahan si Andrew. Interesado si Shirley na malaman kung sino ang empleyadong nakakuha ng pansin ni Andrew.

Bumisita naman si Shirley sa bahay ng kapatid na si Johnny kung saan ay naroroon din si Jenny. Ikinuwento ni Shirley ang lahat ng masasayang alaala kasama ang magulang noong wala na sa buhay nila si Jenny. Hindi naman naiwasan ni Jenny na malungkot sa ikinuwentong ito ni Shirley.

Patuloy pa rin ang pagpapakita ni Andrew ng interes para kay Jenny at balak nitong gawing supervisor si Jenny sa resort. Iniiwasan naman ni Andrew si Shirley sa tuwing lumalapit ito sa kanya at mapapansin na wala talaga itong pagtingin para kay Shirley.

Sa muling pagkikipag-usap ni Shriley kay Jenny sinabi nito na mas makabubuti para sa lahat na umalis na lamang ulit si Jenny. Dahil dito nagdesisyon si Jenny na umalis nang hindi nagpapaalam kay Johnny.

Naabutan naman ni Johnny si Jenny at pinigilan itong umalis. Sinabi ni Johnny na hindi niya na muli pang hahayaan na mawala si Jenny. Hindi rin natuloy ang plano ni Shirley na tuluyang pagpapaalis kay Jenny.

Binigyan naman ni Andrew si Jenny ng kuwintas para maipakita ang pagmamahal niya para rito. Hindi naman tinanggap ni Jenny ang alok ni Andrew na maging supervisor sa resort.

Hindi man sabihin ni Johnny pero mababakas sa mukha nito ang pagseselos nang magpaalam sa kanya si Andrew na gusto nitong maka-date si Jenny. Pumayag naman si Jenny sa alok ni Andrew na lumabas kasama siya.

Samantala, ipinakilala na si Shirley bilang bagong manager ng resort nila Andrew. Nalaman na rin ni Shirley na si Jenny ang babaeng pinopormahan ni Andrew kaya naman mas lalong tumindi ang inggit at inis niya para rito.

Ikinuwento ni Jenny kay Johnny ang tunay na pagtingin at paghanga niya kay Andrew, na masaya siya sa atensiyong ibinibigay sa kanya ni Andrew. Patuloy pa ring nagiging malapit sa isa't isa sina Jenny at Johnny.

Sa pagiging manager ng resort ni Shirley, pinabago niya ang ayos ng bawat silid at patuloy na pinapahirapan si Jenny. May inihanda namang sorpresa si Andrew para kay Jenny sa resort.

Sa pagkakataong ito, tinanong na ni Andrew kung pumapayag ba si Jenny na maging girlfriend nito ngunit walang naibigay na sagot si Jenny. Patuloy pa rin ang panunuyo ni Andrew kay Jenny kahit na hindi siya nabigyan ng sagot nito.

Habang umuulan, muling naalala ni Johnny at Jenny ang pangako nilang dalawa noong mga bata pa sila na hindi iiwan ang isa't isa. Matutupad kaya ni Johnny ang pangako niya kay Jenny na hindi na sila muli pang magkakalayo?

Patuloy na panoorin ang Endless Love, Lunes hanggang Biyernes sa GMA Telebabad pagkatapos ng 'The World Between Us.'

Samantala, narito ang ilan pa sa mga bida ng Endless Love at kung ano ang kanilang ginagawa ngayon: