TV

'Family Feud,' pasabog ang celebrity players sa season finale

By Jimboy Napoles

Survey says…time out muna sa hulaan ng top answers dahil pansamantala munang magpapaalam ang paboritong TV game show ngayon ng mga Pinoy -- ang Family Feud.

Sa last two weeks ng nasabing programa, iba't ibang bigating celebrity players ang maglalaro. Sa linggong ito inasahang maglalaro ang Kapamilya stars na sina Joshua Garcia at Nikki Valdez kasama ang iba pang cast ng seryeng Unbreak My Heart.

Asahan din ang paglalaro ng mga batikang journalist ng GMA Public Affairs na sina Ivan Mayrina, Jun Veneracion, Raffy Tima, at Oscar Oida.

Bukod sa celebrities, inimbitahan din ng programa ang social media stars gaya ng Team Big Boy na sina Dennis Tayag, Ems Amurao, Sell Mateo, at Boltron Pascua.

Sa finale week ng Family Feud, nakatakdang maglaro ang cast ng bagong kilig series na Love At First Read kasama ang Sparkle sweethearts na sina Kyline Alcantara at Mavy Legaspi.

Matatandaan na nag-viral noon ang naging unang guesting ni Mavy sa game show dahil sa sagot niyang “hotdog” sa survey question na, “1 plus 1?”

Sa kauna-unahan ding pagkakataon, maglalaro sa isang TV game show ang seasoned actress na si Claudine Barretto.

Abangan din ang paglalaro ng Pinoy pride at world renowned P-pop boy group na SB19 kasama ang mga miyembro nito na sina Josh Cullen, Ken Suson, Stell Ajero, Justin de Dios, at Pablo Bagnas Nase.

Sa isang panayam kasama ang game master ng Family Feud na si Dingdong Dantes, sinabi ng aktor na hindi naman magtatagal ang season break ng programa at agad din itong magbabalik nang may mas exciting na papremyo.

Pero pag-amin ni Dingdong, tiyak na mami-miss niya rin ang programa kahit pa sandali lamang itong mawawala.

Aniya, “Kakaibang saya po kasi talaga ang dinudulot at binibigay nito, hindi lang sa akin kung 'di sa mga manonood so siyempre mami-miss ko po talaga ang Family Feud.”

Tumutok sa last two weeks ng Family Feud simula May 29, Lunes hanggang Biyernes, 5:40 p.m. sa GMA.

BALIKAN ANG ILAN SA TRENDING EPISODES NG FAMILY FEUD SA GALLERY NA ITO: