TV

Sharon Cuneta, muling mapapanood sa GMA

By Jimboy Napoles

Exciting ang linggong ito ng Family Feud dahil ang isa sa mga makikihula ng top survey answers ay walang iba kung 'di ang nag-iisang Megastar na si Sharon Cuneta.

Ito ang magsisilbing comeback ni Sharon sa GMA na kanyang unang naging tahanan sa showbiz industry.

Sa kanyang paglalaro sa Family Feud, makakasama niya ang Kapuso actor at tinaguriang Asia's Multimedia Star na si Alden Richards, kasama pa ang screenwriter na si Mel Mendoza Del Rosario, at direktor na si Nuel Naval.



Dito ay ipo-promote nina Sharon at Alden ang kanilang first-ever film together na A Family of Two (A Mother and Son Story) na isa sa mga pelikulang kalahok sa 2023 Metro Manila Film Festival.

Samantala, makakalaban naman nila ang team Laughing Ladies na binubuo ng iconic comediennes na sina Tessie Tomas, Mitch Valdez, Fe Delos Reyes, at Beverly Salviejo.



Sa segment kung saan kakausapin ng game master na si Dingdong Dantes ang audience, isa sa naging katanungan niya sa mga ito ay, “Kung magsha-Sharon ka ng pagkain sa Christmas party, ano ang ipababalot mo?”

Pasado naman kaya kay Tita Shawie ang naging sagot ng audience?

Manalo kaya ang team nina Sharon at Alden sa hulaan? O mapapatunayan ng Laughing Ladies na nasa kanilang ang huling halakhak?

Ibang level ang kulitan sa episode na ito ngayong Biyernes, December 8, kaya tutok lang sa Family Feud.

Mapapanood ang Family Feud, Lunes hanggang Biyernes, 5:40 ng hapon sa GMA. Maaari rin itong mapanood via livestream sa Family Feud YouTube channel at Facebook page, GMA Network YouTube Channel, at sa Family Feud show page sa GMANetwork.com.