
Matapos matalo ang kaniyang bandang Rocksteddy sa pre-anniversary week episode ng Family Feud, may Plan B ang lead vocalist ng grupo na si Teddy Corpuz.
Babalik daw siya sa Family Feud kasama ang ibang hosts ng noontime show na It's Showtime.
Sa episode na napanood ngayong Miyerkules, March 13, abot-kamay na ng Rocksteddy ang panalo. Nakuha nila ang puntos sa unang tatlong rounds. Nakaipon sila ng 260 points kontra sa 0 points ng kalabang team na pinangungunahan ng OPM artist na si Barbie Almalbis.
Pagdating sa final round, sina Teddy pa rin ang naglaro. Sa tanong ni game master Dingdong Dantes na, “Ipagdarasal mong mabango ang _____ ng ka-date mo,” tatlo sa apat na sagot ang nahulaan ng Rocksteddy. Pero naka-tatlong strikes ang banda kaya't nagkaroon ng chance na mag-steal sina Barbie - at doon na nga minalas ang team ni Teddy.
Nakuha nina Barbie ang final answer for a total of 294 points. Sapat na ito para talunin ang 260 points ng Rocksteddy.
Nagtuloy pa ang panalo nina Barbie sa Fast Money round kung kaya't nakuha nila ang PhP200,000 jackpot prize.
Kahit natalo, confident naman si Teddy na muli siyang makalalaro sa Family Feud dahil may balitang bumubuo ng dalawang teams ang It's Showtime cast para sa napipintong appearance nila sa game show.
Mapapanood kaya sila sa special 2nd anniversary week ng Family Feud sa susunod na linggo? Abangan!
Araw-araw na manood ng Family Feud, 5:40 p.m. bago mag-24 Oras sa GMA 7. Puwede rin itong mapanood sa official Family Feud Facebook page at may livestreaming worldwide via the official YouTube channel ng Family Feud at Kapuso Stream.
RELATED GALLERY: 'Bubble Gang,' Taylor Sheesh, Rocksteddy, maglalaro ngayong linggo sa 'Family Feud'