TV

Team ni Eric Tai 'Eruption,' wagi ng jackpot prize sa 'Family Feud'

By Jimboy Napoles

Napasigaw at napatalon sa saya ang team ng sikat na model-actor na si Eric Tai o mas kilala bilang si “Eruption” nang maipanalo nila ang PhP200,000 jackpot prize sa kanilang paglalaro sa trending weekday game show ng GMA na Family Feud kahapon, Miyerkules, January 11, 2023.

Kasama ni Eric sa kanyang team ang aktor na si Kiko Matos, boxing champion na si Kenjhons Serrano at URCC Global Undisputed Heavyweight Champion na si Mammoth Estroso.

Sa nasabing episode, nakalaban naman nila ang team Lady Pilots na sina Xaxa Manalo-Gochangco, Marie Maximo, Rona Guevarra, at Veronica Limcaoco.

Sa first at second round ng game, nanguna ang team Lady Pilots sa score na 124 points nang mahulaan nila ang mga top answer sa survey questions.

Pagdating sa third round nakabawi naman ang team Eruption nang ma-steal nila ang game sa score na 108 points.

Sa fourth round kung saan triple na ang magiging score sa tamang sagot, bigong mahulaan ng Team Lady Pilots ang natitirang survey answer kung kaya't ang Team Eruption ang nakakuha ng 390 points at sila na rin ang napatuloy sa last round.

Sina Eric at Kiko ang sumalang sa last round o fast money round kung saan nakabuo sila ng score na 213 points na lagpas pa sa kinakailangang score upang makuha ang jackpot prize na PhP200,000.

Samantala, makakatanggap naman ng PhP20,000 ang Spike and Serve Philippines Inc. bilang napiling charity ng Team Eruption habang nag-uwi pa rin ng PhP50,000 ang Team Lady Pilots.

Tumutok sa Family Feud kasama si Dingdong Dantes, Lunes hanggang Biyernes, 5:40 ng hapon sa GMA . Maaari rin itong mapanood via livestream sa Family Feud YouTube channel at Family Feud show page sa GMANetwork.com.

KILALANIN ANG ILAN PANG NAGING JACKPOT WINNERS SA FAMILY FEUD SA GALLERY NA ITO: