TV

Winning answer ni Michelle Gumabao, naka-hit ng jackpot sa 'Family Feud'

By Jimboy Napoles

Panalo ng PhP200,000 jackpot prize ang Chua Family dahil sa winning answer ng celebrity athlete na si Michelle Gumabao sa kanilang paglalaro sa Family Feud ngayong Miyerkules, January 25.

Kasama ni Michelle sa nasabing team ay ang aktres na si Nadine Samonte-Chua, mister nito na si Richard Chua, at kapatid ng una na si Brian Gumabao.

Sa nasabing episode nakalaban nila ang team ng Dela Cruz-Fernandez Family na pinangungunahan ng aktres na si Maybelyn Dela Cruz-Fernandez kasama ang asawa niya na si Michael Fernandez, sister-in law na si Khatrina Dela Cruz, at kaibigan na si Ryan Balcora.

Matapos ang apat na rounds ng game, panalo ang team nina Michelle laban sa team ni Maybelyn sa score na 350 points kung kaya't sila ang nagpatuloy sa last round.

Sina Michelle at Brian ang naglaro sa last round o fast money round kung saan kinakailangan nilang makabuo ng 200 points na score upang makuha ang jackpot prize.

Sa pagsalang ni Brian, nakakuha siya ng 143 points na score dahil sa kanyang mga top answers kung kaya't 57 points na lang ang kinakailangan makuha ni Michelle.

Nang i-reveal naman ang score ni Michelle sa kanyang mga sagot sa unang apat na tanong, nasa 170 points pa lamang ang kanilang total score.

Dahil dito nawalan sila ng pag-asa na aabot pa ng 200 points ang kanilang score. Pero laking gulat nila ng umabot sa 35 points ang sagot ni Michelle na, “Wow,” sa tanong na, ”Karaniwang reaksyon kapag nalamang bading ang kamag-anak.”

Ang score na ito ang nagbigay sa kanila ng 205 points na lagpas pa sa kinakailangang score upang makuha ang PhP200,000 jackpot prize.

Sa isang post-game reaction video, ibinahagi naman ni Michelle ang kanyang saloobin sa kanyang naging winning answer sa jackpot round na patungkol sa LGBT community.

Aniya, “Hindi kasi alam naman natin kapag LGBT community kapag nagpapakilala sila bilang parte no'n parang ang dami talagang negative connotations before so 'yun talaga 'yung naisip ko based on personal experience na lang like kung may kamag-anak ako magugulat ako 'yun initial reaction na, 'Wow.' So ayun bigla na lang talaga siyang lumabas, honestly.”

Dagdag pa niya, “Parang gusto ko rin na lahat na kapag meron tayong family member na nagpakilala bilang isang LGBT [member] na we support. Ako bilang part ng volleyball team, ng beauty pageants, napapaligiran talaga kami ng maraming-maraming supporters ng LGBT and nagpapasalamat din ako sa kanila and sana talaga mas marami rin tayong makaintindi and sumuporta sa kanila.”

Makakatanggap naman ng PhP20,000 ang GMA Kapuso Foundation Inc. bilang napiling charity ng Team Chua Family habang nag-uwi pa rin ng PhP50,000 ang team ni Maybelyn.

Tumutok sa Family Feud kasama si Dingdong Dantes, Lunes hanggang Biyernes, 5:40 ng hapon sa GMA . Maaari rin itong mapanood via livestream sa Family Feud YouTube channel at Family Feud show page sa GMANetwork.com.

KILALANIN ANG ILAN PANG NAGING JACKPOT WINNERS SA FAMILY FEUD SA GALLERY NA ITO: