TV

Jopay Paguia, kinikilig sa awiting 'Jopay'

By Jimboy Napoles

Gaya ng linya sa sikat na awiting “Jopay” na, “Jopay, kumusta ka na?” personal na kinumusta ng TV host na si Boy Abunda ang dating SexBomb dancer na si Jopay Paguia sa guesting nito sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes, April 4.

Bukod sa kaniyang happy married life kasama ang asawang si Joshua Zamora at kanilang mga anak, inusisa ni Boy kung ano ang nararamdaman ni Jopay sa awitin ng bandang Mayonnaise na inspired at ipinangalan sa kaniya.

Matatandaan na muling umingay ang awiting “Jopay” noong Enero nang maging isa sa official soundtrack ito ng pelikulang “Ngayon Kaya” at naging background music pa sa maraming content online partikular na sa TikTok.

“Kinikilig ako Tito Boy,” sabi ni Jopay kay Boy.

“Napanood lang niya ako [sa TV] tapos gusto niyang gawan ako ng kanta,” kuwento ni Jopay kung paano sinimulang isulat ni Monty ng nasabing OPM band ang awitin.

Matapos ang ilang taon, nito lamang Marso nagkita for the first time sina Jopay at ang Mayonnaise nang sabay silang mag-perform sa isang event sa Lucena City.

Dito na tinanong ni Jopay si Monty kung saan siya nito napanood noon.

Aniya, “Kaya nung nagkita kami recently, [tanong ko] 'Saan nga ba 'to? Sa Eat Bulaga ba 'to?' sabi niya, 'Hindi,' concert niyo 'yun.'”

Para kay Jopay, natutuwa siya sa mensahe na gustong iparating ng kanta.

“Napaka-wholesome nung song for me. 'Yung words na hindi tayo mag-aaway, na puwede mo siyang sabihin sa may mga relasyon, na parang, 'Ay sana all.'”

Para naman sa iba pang maiinit na showbiz balita, tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda, Lunes hanggang Biyernes, 4:45 p.m. sa loob ng 20 minuto sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.

SILIPIN NAMAN ANG BUHAY NI JOPAY PAGUIA AT NG KANIYANG PAMILYA SA GALLERY NA ITO: