TV

Dingdong Dantes, inamin na nagduda sa kaniyang hosting skills sa 'Family Feud'

By Jimboy Napoles

Inamin ni Dingdong Dantes sa Fast Talk with Boy Abunda na nagduda siya noong una sa kaniyang kakayahan sa hosting nang ialok sa kaniya ang pagiging game master sa programang Family Feud.

Sa panayam ng King of Talk na si Boy Abunda sa Kapuso Primetime King na si Dingdong, pinag-usapan nila ang naging pagpasok ng huli sa hosting.

“How did hosting change your career and your life?” tanong ni Boy kay Dingdong.

Dito na inamin ni Dingdong na nagkaroon din siya ng insecurities sa simula dahil tingin niya ay may mas magaling sa kaniya para maging host ng nasabing game show.

Kuwento niya, “Noong binigay po sa akin ang Family Feud, nong sinabi na may opportunity para gawin mo ito, tanong ko, 'Ako ba talaga?' Kasi I recognize that there are more people out there who can do it better and who I think are more capable, so may mga insecurities nung nag-uumpisa kung ako ba talaga dapat ang nandito especailly coming from a very very successful franchise ni Tito Steve Harvey.”

Ang nagpalakas ng loob ni Dingdong ay ang tiwala na ibinigay sa kaniya ng GMA at ang suporta ng kaniyang pamilya at malalapit na kaibigan.

Aniya, “But then noong nagsisimula na ako of course having so much trust and confidence with our network dahil I'm sure there was wisdom behind giving me and assigning me this one.

“May mga kaunting tao na talagang nag-boost ng aking confidence si Direk [Cesar] Cosme sabi niya, 'Just be who you are,' Sabi ko, 'Oo nga no, no pretentions,' Sabi naman ni Maam Lilybeth [Rasonable], 'Kung sino ka, 'yun na lang, gawin mo lang 'yun, and just enjoy 'yun ang pinaka-mahalaga,' So I did that.”

Ayon pa kay Dingdong, bukod sa kaniyang ina at sa kaniyang asawa na si Marian Rivera, ang lalo raw nagpabalik ng tiwala sa kaniyang sarili ay ang kaniyang ama.

“Ang isa rin na nagulat ako na nagbigay ng komento ay 'yung tatay ko, kasi never talaga siya nagsabi sa akin ng anything on what I do on TV until Family Feud came, sabi niya, 'Son just carry on, nanonood ako,' talagang sobrang ang saya.”

Para rin kay Dingdong, talagang life-changing ang kaniyang pagiging host na nagbigay sa kaniya ng maraming aral pagdating sa pagpe-perform.

“Para sa akin it's really sort of life-changing because therapeutic siya for me, it made me realize so many other things in the context of performance,” anang aktor.

Samantala, mapapanood pa rin si Dingdong bilang game master sa trending weekday game show ng GMA na Family Feud. Sa ngayon abala rin siya sa mga parating niyang bagong proyekto gaya ng The Voice Generations at Royal Blood.

Para naman sa iba pang maiinit na showbiz balita, tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda, Lunes hanggang Biyernes, 4:45 p.m. sa loob ng 20 minuto sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.

BALIKAN ANG CAREER HIGLIGHTS NI DINGDONG DANTES SA GALLERY NA ITO: