
Personal na inimbitahan ng South Korean actor na si Kim Hyun-joong ang comedian na si Donita Nose sa kanyang "The End of a Dream" concert na magaganap sa MetroTent Pasig bukas (April 28).
Ngayong araw, excited na umupo sa interview ang Boys Over Flowers actor sa programang Fast Talk with Boy Abunda, kung saan nakakuwentuhan niya ang King of Talk na si Boy Abunda.
Nasa studio rin si Donita kung saan ay looking forward ito na makita si Hyun-joong. Kuwento ng comedian, 6:00 ng umaga na siya nakatulog dahil sa kakapanood ng Korean dramas at "kakaisip" sa Hallyu star.
Nang marinig ito ni Hyun-joong, dito na niya personal na inimbitahan si Donita na manood sa kanyang concert.
Hindi naman naiwasan ni Donita na mapatili sa sinabing ito ni Hyun-joong at kitang-kita rin ang saya ng komedyante dahil sa imbitasyon na natanggap.
Samantala, ibinahagi ni Hyun-joong sa interview kung bakit siya muling bumalik sa Pilipinas. Ani ng aktor, base sa interpreter na si Sandra, "Halos three to four years, hindi ako nakabalik dito, syempre dahil sa pandemic. Pero finally, mayroon na po akong main concert tomorrow dito sa Metrotent in Pasig kaya gusto ko pong makita 'yung mga Filipino fans kaya pumunta po ako rito sa Manila."
Ayon sa Korean actor, nais niyang magbigay ng "hope" sa kanyang Filipino fans sa darating niyang concert bukas.
"Dahil po sa pandemic hindi tayo nagkita nang matagal at alam ko na maraming naghihintay na mga Filipino fans for me, kaya gusto ko pong magbigay ng hope para po sa mga Filipino fans na naghhintay sa akin," sabi niya.
Bago matapos ang interview, nagbigay ng mensahe ang aktor para sa lahat ng kanyang mga tagahanga.
"Kakarating lang pong kaninang umaga. Nagulat ako kasi may mga Filipino fans nandoon sa airport. Maraming salamat po sa mga support na ibinigay ninyo. Bukas mayroon po akong concert sa MetroTent Pasig po, 7:00 p.m. Sana ma-enjoy niyo po 'yung concert," masayang pasasalamat ng aktor.
Si Kim Hyun-joong ay isang South Korean actor, singer, at songwriter. Ilan sa tumatak na drama ng aktor ay ang Boys Over Flowers, Playful Kiss, at Inspiring Generation.
Panoorin ang buong interview ni Kim Hyun-joong sa Fast Talk with Boy Abunda rito:
MAS KILALANIN SI KIM HYUN-JOONG SA GALLERY NA ITO: