TV

Bea Alonzo, nag-backout sa pelikula nila ni Alden Richards na 'A Special Memory'

By Jimboy Napoles

Ibinalita nng TV host na si Boy Abunda sa kaniyang programa na Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA) na nag-backout na ang aktres na si Bea Alonzo sa dapat sana ay unang pelikula nila ni Alden Richards na A Special Memory.

Base sa nakuha ng FTWBA na statement mula sa management ni Bea, pinili ng aktres na hindi na tumuloy sa nasabing pelikula dahil sa kaniyang full schedule ngayong taon at ayaw nitong paghintayin ang iba pang cast.

Anila, “In the spirit of fairness, we deemed it appropriate to advise the producers of Special Memory, a movie adaptation of A Moment to Remember, that Ms. Bea Alonzo had to respectfully beg off from this movie project due to her full schedule this year.”

“Ms. Bea Alonzo has contractual obligations with GMA Network to fulfill, and that shall remain as our top priority!” dagdag pa ng management ni Bea.

Ayon naman kay Boy, matutuwa rin si Bea kung magkakaroon ng recasting para sa nasabing pelikula dahil trabaho rin ito para sa kaniyang kapwa artista.

Ang A Special Memory ay ang dapat sana ay Filipino adaptation ng hit Korean film na A Moment to Remember, na pinagbidahan noon ng Crash Landing On You actress na si Son Ye-jin.

Minsan nang nakatambal ni Bea si Alden sa local adaptation ng Korean TV series na Start-Up PH.

Samantala, para sa iba pang maiinit na showbiz balita, tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda, Lunes hanggang Biyernes, 4:45 p.m. sa loob ng 20 minuto sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.