
Gaya sa kuwento ng ibang mga artista, nagsimula rin sa simpleng buhay ang Sparkle star na si Kyline Alcantara.
Sa Fast Talk with Boy Abunda, ikinuwento ni Kyline sa TV host na si Boy Abunda ang ilan sa kaniyang humble beginnings.
Ayon sa aktres, bata pa lamang siya ay gusto niya na talagang maging isang artista.
Aniya, “Noong bata pa po kasi talaga ako, Tito Boy, kaya sinabi ko po kanina na makapal dapat ang mukha dahil noong bata pa lang po ako, bida bida na po talaga ako, Tito Boy.”
Dahil sa nakitaan siya ng kaniyang ina ng potential na maging isang artista, ginawan nito ng paraan upang makapunta siya sa isang talent audition.
"Nakita ni mama na mayroon pong pa-audition sa kabilang network before, sa isang show na pambata po do'n, tapos nakita niya na nanonood ako and parang gustong-gusto ko po makasali do'n sa competition na 'yon, ginawan niya po ng paraan," anang aktres.
Kuwento ni Kyline, sumakay sila ng kaniyang ina sa isang delivery truck na may lamang mga gulay simula Bicol hanggang Maynila upang makapunta sa nasabing audition.
“Wala po kaming pambayad sa bus, kahit po ordinary bus lang, wala po talaga. May palengke po do'n sa Bicol, pumunta doon si mama and nagtanong po siya sa isang tindera, na kaibigan niya po doon, na 'Uy, meron ka bang mga ipapadala sa Manila?' And then, doon na po nag-start.
“Sumabay po kami sa isang truck na punong-puno ng gulay at may mga kasama kaming boys kasi siyempre po magbubuhat po sila, e,” proud na ibinahagi ni Kyline.
Hindi naman nagtapos doon ang sakripisyo ni Kyline dahil marami rin siyang hinarap na rejections sa kaniyang pag-o-audition kaya nagpapasalamat siya sa lahat ng nanatili at sumusuporta sa kaniya hanggang ngayon.
Aniya, “It started there. Nag-audition po, maraming rejections, marami rin naman pong sumuporta. I'm thankful po sa lahat ng sumuporta.”
Samantala, mapapanood naman si Kyline sa bagong kilig series ng GMA na Love At First Read kasama ang kaniyang on-screen partner na si Mavy Legaspi, gabi-gabi bago ang 24 Oras.
BALIKAN ANG KAPUSO MILESTONES NI KYLINE ALCANTARA SA GALLERY NA ITO: