TV

Herlene Budol, itinangging lumaki ang ulo nang maging sikat na sa showbiz

By EJ Chua

Ang Magandang Dilag lead actress na si Herlene Budol ang bagong guest na napanood sa programang Fast Talk with Boy Abunda.

Kabilang sa mga napag-usapan nina Herlene at King of Talk na si Tito Boy ang ang tungkol sa mga natatanggap na komento ng aktres tungkol sa kanyang pagsikat.

Ayon kay Tito Boy, dahil sikat na sikat na si Herlene ngayon ay napakaraming nagsasabi na sumikat lang siya ay lumaki na raw ang kanyang ulo.

Nang tanungin ni Tito Boy si Herlene kung ano ang masasabi niya tungkol dito ay agad itong sinagot ng aktres.

Sagot niya, “Makatrabaho ko muna po sila bago nila ako sabihan ng ganun…Lahat naman po ng nakakatrabaho ko… Siyempre, hindi naman sasabihin sa akin pero sa mga naririnig ko… hindi naman po sila ganon sa akin.”

Buong loob na nagbigay ng kanyang saloobin si Herlene sa mga taong kung ano-ano ang sinasabi tungkol sa kanya at sa kanyang career.

Bukod dito ay tila gusto niyang subukan siya ng mga taong naninira sa kanya tungkol sa kanyang pag-uugali habang nasa likod ng mga camera.

Pahayag niya, “Sa lahat ng mga nagsasabi ng ganon, makatrabaho n'yo muna po ako ng harap-harapan bago n'yo ako siraan.”

Kasalukuyang napapanood si Herlene sa Magandang Dilag bilang si Gigi, ang babaeng masayahin, bubbly, witty, at may kakaibang personality.

Mapapanood ang Magandang Dilag weekdays, 3:20 p.m., pagkatapos ng Abot-Kamay Na Pangarap sa GMA Afternoon Prime.

Ipinapalabas din ang naturang programa sa Pinoy Hits, at Kapuso Stream.

SILIPIN ANG MGA NAGING KAGANAPAN SA MEDIA CONFERENCE NG MAGANDANG DILAG SA GALLERY SA IBABA: