TV

Annette Gozon-Valdes, kumpiyansang malayo pa ang mararating ng GMA Sparkle artists

By Jimboy Napoles

Inisa-isa ni GMA Network Senior Vice President Atty. Annette Gozon-Valdes sa Fast Talk with Boy Abunda ang ilan sa mga dapat abangan sa karera ng ilang Sparkle stars na sina Alden Richards, Barbie Forteza, Julie Anne San Jose, Ruru Madrid, at Miguel Tanfelix.

Inside link:

https://www.gmanetwork.com/entertainment/tv/fast_talk_with_boy_abunda/103378/annette-gozon-valdes-inilaban-si-alden-richards-noon-upang-maging-artista-ng-gma/story?amp

Sa naging pagbisita ni Atty. Gozon-Valdes sa nasabing programa, nagpadala ng mensahe para sa kaniya ang limang nabanggit na Sparkle artists.

Dito ay nagpasalamat ang mga ito sa naging matagumpay na takbo ng kanilang showbiz careers dahil sa pag-aalaga ng GMA.

Matapos marinig ang sweet messages ng lima, ibinahagi ng Kapuso executive ang mga dapat pang abangan kina Alden, Barbie, Julie Anne, Ruru, at Miguel.

Ayon kay Atty. Gozon-Valdes, nagsisimula nang pasukin ni Alden ang iba pang aspeto ng show business.

Aniya, “Well, si Alden nga aside from maintaining what he has, he has a lot of business ventures so talagang nabubuo niya 'yung pagkatao niya in the showbiz industry.”

Exciting din ang mga susunod na proyekto para kay Barbie, ayon kay Atty. Gozon-Valdes, “Si Barbie, she will be starring in some movies aside from starring in the biggest soaps in GMA.”

“Barbie has a different appeal. Iba 'yung dating,” sundot naman ng TV host na si Boy Abunda.

Pagsang-ayon naman ni Ms. Annette, “Because of Maria Clara at Ibarra I think nagkaroon pa siya ng another breakthrough in her career so pataas pa 'yan ng pataas.”

Total package naman ang naging paglalarawan ni Atty. Gozon-Valdes para sa The Voice Generations coach na si Julie Anne.

Aniya, “The same thing with Julie Anne, she's a multimedia actress, she's really a singer first and foremost pero nakita natin 'yung galing niya sa Maria Clara at Ibarra, so ang laki rin ng potential niya sa acting, she can host, she's the total package.”

Kay Atty. Gozon-Valdes na rin mismo nanggaling ang titulo ni Ruru bilang action star ng GMA.

“Si Ruru naman, 'yan ang talagang action star ng GMA and his projects for the next two years naka-lineup na, may movies din si Ruru na gingawa under GMA films and other film productions,” ani Ms. Annette.

Bumilib din siya sa husay ng aktor na si Miguel pagdating sa pagganap sa kaniyang mga karakter.

“Si Miguel, nagsimula nga siya five years old [siya] sa Mulawin, siya si Pagaspas, so he is a very very good actor, pero nakita natin sa Voltes V: Legacy na kaya niya ring mag-action, and he also has upcoming movies, so talagang nagba-branch out sila in all aspects of showbiz,” pagbabahagi pa ng Kapuso executive.

Ayon pa kay Atty. Gozon-Valdes, hiling niya para sa lahat ng GMA at Sparkle artists ang tagumpay sa kanilang mga karera, “Sana lahat sila maging successful and maging fulfilled as persons.”

Nang tanungin naman ni Boy si Ms. Annette kung hanggang saan ang ginagawang pakikialam ng Sparkle sa personal na buhay ng mga artista, ito ang kaniyang naging sagot, “As much as possible ayaw naming makialam diyan because they live their own lives. Makikialam lang kami when it will affect their image and their careers.”

Samantala, ngayong July 22, muling magsasama-sama ang lahat ng mga Kapuso stars sa ikalawang taon ng GMA Thanksgiving Gala na sinasabing posibleng maging pinakamalaking showbiz event ngayong taon.

Patuloy naman na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda pagkatapos ng The Seed of Love sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.