TV

Aiai Delas Alas sa relasyon nila ng asawang si Gerald Sibayan: 'Alam ko na hindi niya ako papalitan'

By Jimboy Napoles

Aminado ang Kapuso comedienne-actress na si Aiai Delas Alas na minsan ay may mga pinagdaraanan din ang halos sampung taon na nilang relasyon ngayon ng mister na si Gerald Sibayan, pero kumpiyansa siya na hindi sila maghihiwalay.

Sa muling pagbisita ni Aiai sa Fast Talk with Boy Abunda, ibinahagi niya ang kaniyang “ten rules” na naglalaman ng mga paalala niya tungkol sa pag-ibig, buhay, at karera.

Ikalawa sa sampung alituntunin na ito ni Aiai ay, “Huwag pumatol sa asawa ng may asawa. Ang makati ay lugar sa kamaynilaan, huwag ugaliin, ito na lang ay kamutin.”

Kaugnay nito, tinanong ng batikang TV host na si Boy si Aiai kung nagkaroon na ba sila ng problema ni Gerald tungkol sa babae.

Sagot naman ni Aiai, “Wala pa pero may mga pinagseselosan ako.”

Dagdag pa niya, “Mabait naman kasi si Gerald e, kaya wala naman akong problema sa ganiyan. Selosa lang ako kaya ako nakikipag-confrontation.”

Paglalahad pa ng tinaguriang Comedy Concert Queen, “Hindi naman kailangan ng assurance kasi nakikita ko naman na nine years na kami, so doon sa pagsasama namin na malapit na kami mag-ten years is wala naman akong nakitang [problema].”

“Medyo minsan nalulubak pero alam ko na hindi niya ako papalitan,” diin pa ni Aiai.

Samantala, mapapanood naman si Aiai sa bagong pelikula ni Louie Ignacio na Litrato, at bibida rin siya sa episode ng #MPK o Magpakailan sa July 29 episode nito ngayong Sabado.

Patuloy na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda pagkatapos ng The Seed of Love sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.

SILIPIN ANG BLISSFUL MARRIED LIFE NINA AIAI DELAS ALAS AT GERALD SIBAYAN SA GALLERY NA ITO: