
Aminado ang batikang action star na si Jeric Raval na hindi niya kayang panoorin ang sexy scenes sa pelikula ng kanyang anak na si AJ Raval.
Sa Fast Talk with Boy Abunda, kinumpirma ni Jeric ang bali-balitang lumabas siya ng isang sinehan kung saan ipinalalabas ang pelikula ni AJ nang dumating na ito sa intimate scenes.
Kuwento ni Jeric sa batikang TV host na si Boy Abunda, “Ganun pala 'yun. Hindi ko kayang panoorin. Lumabas ako, sabi ko na lang nag-ring 'yung phone ko. Pero ang totoo nun hindi ko pa kayang panoorin kahit hindi totoo. Alam naman nating kunwari lang 'yun. Hindi ko kayang panoorin.”
Ibinahagi rin ni Jeric na hindi niya alam na nagtuloy pala sa pag-aartista si AJ noon.
Aniya, “At first kasi na-reject 'yan sa channel 5, ayaw niya na mag-artista. Tapos kinukuha siya doon sa kabilang istasyon, ayaw niya kasi nagkaroon siya ng inferiority complex. Ayaw niya.”
Nasorpresa na lamang umano si Jeric nang malamang gumagawa na ng mga pelikula ang anak na young actress.
“Nagulat na lang ako artista na siya sa Viva. Tinatago niya sa akin 'yung mga pelikulang ginagawa niya kasi alam niyang hindi ko siya sinusuportahan sa mga ganung projects e,” ani Jeric.
Dagdag pa niya, “E, kaya lang nandiyan na, wala na akong magawa.”
Matatandaan na sumikat si AJ dahil sa kanyang mga mapangahas na pelikula. Naging matunog din ang pangalan ng dalagang aktres sa pagkakaugnay nito sa aktor na si Aljur Abrenica, na ngayon ay kanya nang kasintahan.
Samantala, muli namang mapapanood ang aktor na si Jeric sa upcoming Kapuso series na Maging Sino Ka Man na pinagbibidahan nina Barbie Forteza at David Licauco.
Patuloy naman na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.