TV

Joel Reyes Zobel, nakapagpaalam at nagpasalamat kay Mike Enriquez ilang oras matapos itong pumanaw

By Jimboy Napoles

Sa August 30 episode ng Fast Talk with Boy Abunda, isang special tribute ang inialay ng programa para sa yumaong GMA News pillar na si Mike Enriquez.

Sa naturang episode, bumisita ang ilan sa mga naging malalapit na kaibigan ni Mike sa larangan ng journalism at broadcasting na sina Raffy Tima, Susan Enriquez, at Joel Reyes Zobel upang ibahagi ang mga natutunan nila sa kanya.


Kaugnay nito, emosyonal na ikinuwento ng brodkaster na si Joel kung paano niya unang nalaman ang malungkot na balita na pagpanaw ng kaibigan at batikang news anchor na si Mike Enriquez, kahapon, Martes, August 29.

Aniya, “I got a missed call from Tita Baby, asawa ni Mike. I was doing my program in the afternoon around 3:15. So alam ko na may nangyari kasi ano e, hindi naman tumatawag si Tita Baby sa akin e.”

Kinutuban na raw nito si Joel na mayroong masamang nangyari dahil madalang niya lamang makausap ang asawa ni Mike. Sa kanyang pagbabalik ng tawag, dito na nga niya nakumpirma ang pagkamatay ni Mike.

Pagbabahagi ni Joel, “I never got an update regarding Mike's condition from Tita Baby, ang nakakausap ko ay si Tita Rose 'yung kanyang kapatid. So I immediately called her back and yun nga binanggit niya na wala na si Mike and he expired at 3:04 p.m. and I immediately asked her if I can visit the hospital.”

Mula sa kanyang trabaho, dumiretso si Joel sa ospital kung nasaan si Mike at kanyang pamilya.

Ayon kay Joel, naabutan niya pa ang mga labi ni Mike at sandali pa siyang nakapagpaalam at nagpasalamat dito.

Aniya, “So I decided to go back to the hospital from GMA and I had the pleasure and the honor of seeing Mike while he was in the ICU. Bago isara 'yung body bag, nakapagppaalam ako at nakapagpasalamat.”

Pero dagdag ni Joel, “Ngayon pa lang din nagsi-sink in sa amin e, na wala na si Mike.”

Matatandaan na magka-tandem sina Joel at Mike sa pagbabalita sa radio news program ng DZBB na Super Balita Sa Umaga, Nationwide.

Taong 1969 nagsimulang magtrabaho sa industriya ng brodkasting si Mike, at naging bahagi siya ng GMA Network taong 1995. Siya ay naging news anchor ng flagship primetime news program ng GMA na 24 Oras at naging host ng long-running public affairs program na Imbestigador.

Si Mike ay nagsilbi rin bilang Presidente ng RGMA Network, Inc. at GMA Network's Senior Vice President and Consultant for Radio Operations.