TV

Barbie Forteza sa kanyang love life at love team: 'Walang nasira'

By Jimboy Napoles

Ibinahagi ng award-winning actress na si Barbie Forteza sa Fast Talk with Boy Abunda kung pano niya napagsasabay ang masayang love life kasama ang boyfriend na si Jak Roberto at matagumpay na love team katambal naman ang aktor na si David Licauco.

Sa muling pagbisita ni Barbie sa nasabing programa, isa sa naging katanungan sa kanya ng batikang TV host na si Boy Abunda ay kung paano niya nadadala ng maayos ang romantic at work relationship.

Paliwanag ni Barbie, “Siguro dahil secure din po naman ako sa sarili ko and kung paano ako pinalaki ng family ko hindi po ba? 'Yung values ko, in tact naman siya. Malinaw naman sa akin kung alin ang work and thankfully I'm already here in the business for 14 years. Galing din naman ako sa love team before, way back, so kahit papano medyo may knowledge na rin ako kung paano siya i-handle.”

Ayon pa kay Barbie, hindi nila pinag-uusapan ng nobyong si Jak ang sitwasyon ng trabaho niya ngayon na bahagi ng isang sikat na sikat na love team ngayon, ang BarDa or Barbie at David.

Aniya, “With Jak, hindi talaga namin siya pinag-uusapan. Hindi ko alam kung ganoon kalawak ang mindset niya pero wala kasi siyang pinakita sa aking dahilan para i-explain ko pa sa kanya 'yung sitwasyon.”

Dagdag pa niya, “Siguro nanggagaling 'yun doon sa parehas naming pangarap na maabot 'yung ganitong klaseng recognition and makilala din. So parang alam na namin sa sarili namin na suportahan na lang talaga.”

Pagbabahagi pa ni Barbie, maging si David ay alam din naman ang kanilang ginagawang trabaho bilang love team.

“With David, I'm not sure if he talked to Jak about it, well it would've been nice pero hindi kailangan, not necessary.

“Kahit naman kasi ako hindi naman pinag-uusapan ni Jak it's more of like maturity for the whole situation sa nangyayari galing sa aming tatlo. Kahit naman din si David ay isang well-known businessman so alam niya ang mga galawang ganyan,” ani Barbie.

Ayon pa sa aktres, ang pinakamagandang nangyari sa kanilang tatlo nina Jak at David ay hindi nawala ang kanilang pagkakaibigan.

“Ang pinakamagandang nakuha namin sa trabahong ito ay 'yung friendship namin hindi nawala. Friendship ni Jak at David, friendship namin ni David, relationship namin ni Jak, walang nasira,” anang aktres.

Samantala, mapapanood na sina Barbie at David sa kanilang bagong serye na Maging Sino Ka Man simula sa September 11, sa GMA Telebabad.

Habang mapapanood na rin si Jak sa GMA Afternoon Prime series na The Missing Husband.

Patuloy naman na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.