TV

Jodi Sta. Maria, iniwan ang karera noon para sa pag-ibig?

By Jimboy Napoles

Sa unang araw ng weeklong birthday celebration ni Boy Abunda, bumisita sa kaniyang programang Fast Talk with Boy Abunda ang award-winning actress na si Jodi Sta. Maria.

Sa panayam ni Boy kay Jodi, binalikan ng aktres ang mga pinagdaanan noon sa kaniyang karera bago siya makilala bilang isang mahusay na artista.

Kuwento ni Jodi, kuntento na siya noong una na mapanood sa telebisyon, pero unti-unting lumago ang kaniyang pangarap habang tumatagal.

Aniya, “At first Tito Boy noong 1998, noong ni-launch kami sa ASAP, masaya na ako e. Kasi kapag 'di ba bata ka, 'yun lang naman ang gusto mo e, makita ka sa TV, makita ka ng mga kaklase mo, makita ka ng mga kapitbahay. So 'yun lang po talaga ang goal.”

“Pero po habang tumatagal siguro, mas lumalaki 'yung pangarap. Doon sa paglabas lang sa TV, pinangarap ko nang magkaroon ng regular show, and then pinangarap ko na maging star sa isang pelikula. Siyempre pinangarap ko rin naman po Tito Boy na sumikat.”

RELATED GALLERY: Jodi Sta. Maria, matagal naging 'artista-artistahan lang'

Hindi naman naging madali para kay Jodi ang pagdedesisyon para sa kaniyang pagiging artista at personal na buhay.

Aniya, “Taong 2005, bini-build na po ako ng Star Magic at ng ABS-CBN para po maging leading lady kasi po I was doing support for how many years. But then during that time, I chose love. So, nag-goodbye po ako sa Pilipinas, nagpakasal po ako sa Amerika.”

Lingid sa kaalaman ni Jodi na hindi niya na pala mababalikan ang dapat sana ay papausbong niyang karera na noon.

“So, a year later bumalik po ako ng Philippines, and then I told one of the PA na, 'Puwede ko bang mabalikan kung ano 'yung mga proyektong na naiwanan ko?'

And then I remember this person telling me, 'Jodi, it doesn't work that way, you have to re-establish yourself,'” pag-alala ng aktres.

Mula raw noon, sinikap ni Jodi na trabahuhin ang pagkakaroon ng pangalan sa industriya at maghintay ng kaniyang oras upang maging sikat na aktres.

“So from 2006 to 2012, I waited. Kung baga nagtrabaho lang po ako nang nagtrabaho and during that time, I'd say na masaya po ako kasi may work. But then, I was also waiting kung kailan darating 'yung time ko. Gaano ba katagal 'yung re-establishing ng sarili?”

Sa kabila nito, hindi umano napagod si Jodi sa kaniyang paghihintay na makilala, dahil kinailangan niya ring magtrabaho para sa kaniyang anak.

“Hindi po Tito Boy kasi wala po akong choice kung 'di magpatuloy. Because during that time, single mother po ako. I needed to survive. Kailangan po para sa amin ng anak ko,” anang aktres.

Sa ngayon, isa na si Jodi sa itinuturing na pinakamahusay na aktres ng kaniyang henerasyon. Sa katunayan, kinilala si Jodi bilang Best Actress sa Asian Academy Creative Awards noong 2022.

Pagsisigurado naman ni Jodi na hindi naging dahilan ang kaniyang mga award upang siya ay magyabang, bagkus ay naging dahilan pa ito upang mas paghusayan pa niya ang kaniyang trabaho bilang aktres.

Aniya, “Awards po kasi Tito Boy for me are you know, a testament to your hard work, to your dedication, and your commitment to the craft. It's an affirmation, it's a validation.”

Dagdag pa niya, “[Not] just because nanalo ka ng acting award, parang ikaw na 'yung the best sa buong mundo. Actually sa totoo lang, each and everytime na nakakakuha po ako ng award, ang akin talaga is, oo nagpapasalamat ka, pero it humbles me, it is humbling also 'di ba? Kasi ngayon iisipin ko ano pa 'yung areas of improvement ko. Saan pa ako puwedeng mag-grow?”

Napapanood si Jodi ngayon sa first collaboration series ng GMA, ABS-CBN, at ng Viu Philippines na Unbreak My Heart, kung saan kasama niya sina Richard Yap, Gabbi Garcia, at Joshua Garcia.

Patuloy naman na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.