TV

John Lloyd Cruz confirms relationship with Isabel Santos

By Jimboy Napoles

Kinumpirma na ng award-winning actor na si John Lloyd Cruz sa Fast Talk with Boy Abunda ang kaniyang relasyon sa visual artist na si Isabel Santos.

Si John Lloyd ay ang isa sa mga bigating bisita ni Boy Abunda para sa kaniyang week-long birthday celebration sa nasabing programa ngayong linggo.

Sa panayam ni Boy kay John Lloyd, isa sa mga naging katanungan niya sa aktor ay tungkol sa tunay na estado ng relasyon nila ni Isabel.

Tanong ni Boy kay John Lloyd, “Sino si Isabel sa buhay mo?”

“Si Isabel ay girlfriend ko, boyfriend niya ako,” nakangiting sagot ng aktor.

Kuwento ng aktor, matagal niya nang kakilala si Isabel, simula pa lamang nang magdesisyon siyang iwan pansamantala ang showbiz.

Aniya, “At the time na bago pa lang akong tumigil with ABS-[CBN], napadpad ako sa pag-explore ng [arts]. So gallery nila 'yung una kong napasok.”

Dagdag pa niya, “Matagal na kaming magkakilala. We were talking before but hindi nag-evolve into something. Ideal sa amin at that time. Mula noon, present na rin siya sa buhay ko.”

Sa “Fast Talk” sinabi ni John Lloyd na naniniwala pa rin siya sa kasal. Kaya naman sunod na tanong ni Boy sa kaniya ay, “Nakatulong ba si Isabel sa iyong paniniwala sa marriage?”

“Malaki,” tugon ng aktor.

Paliwanag niya, “She's very elemental sa mga ganiyang bagay, sa kung paano namo-mold 'yung kung ano man 'yung lumalabas sa bibig ko, kung ano man 'yung nabubuo sa isip ko, siyempre 'yung consideration lagi for the two of us especially para sa kaniya laging nandoon.”

Bago pa man kumpirmahin ni John Lloyd ang relasyon nila ni Isabel. Nakikita na rin ng publiko ang ilang sweet photos ng dalawa sa social media.

Samantala, huling napanood si John Lloyd sa kaniyang sitcom sa GMA na Happy ToGetHer.

Patuloy na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.