
“Ang pangarap ko, I want to be remembered forever.”
Ito ang emosyonal na sinabi ng Primetime Action Hero na si Ruru Madrid sa kanyang panayam sa Fast Talk with Boy Abunda.
Hindi napigilang maiyak ni Ruru sa TV host na si Boy Abunda nang alalahanin niya kung paano niya pinangarap noon na maging artista.
“Hindi ko po in-expect na. mararating ko po 'yung kung nasa'n ako ngayon,” ani Ruru.
Kuwento pa ng aktor, “Dati, parang hinding-hindi ko makakalimutan, nasa loob ako ng church. Nangangarap lang ako na sabi ko, 'Ama, sana maging artista po ako kasi gusto kong matulungan 'yung pamilya ko.' Na kahit bata pa lang ako, gusto ko na po silang matulungan.
“Pero ngayon, hindi lang po 'yun 'yung binigay Niya sa akin. 'Yung mga iba ko pang pinapangarap sa buhay, binigay Niya rin sa akin kaya sobrang bait po Niya.”
Ayon kay Ruru, ang lahat ng biyayang kanyang natatanggap ay gagamitin niya sa kabutihan upang maging inspirasyon siya sa mga tao.
Aniya, “Kaya sabi ko, lahat po ng mga natututunan ko, lahat ng mga blessings na natatanggap ko. Hindi ko po alam kung baka ito po 'yung magiging katungkulan ko sa mundong ito pero gagamitin ko po 'yun sa kabutihan.
“Gagamitin ko po lahat ng meron ako upang makapagbigay ng saya, ng inspirasyon sa mga tao.”
Tuluyan pang naging emosyonal si Ruru nang sabihin niya kung paano niya gustong maalala ng mga tao.
“Before, ang pangarap ko, maging artista. Pero ngayon, Tito Boy, ang pangarap ko, I want to be remembered forever,” ani Ruru.
Dagdag pa niya, “Na kahit na wala na po 'ko sa mundong 'to, meron akong maiiwan na mark sa mundong 'to, na ako 'yung tao na hindi sumuko sa pangarap niya.
“Sa kabila ng lahat ng mga problemang binabato, sa kabila ng lahat ng mga doubts na binabato sa 'kin, never ako nag-give up. And then, gusto ko rin makilala bilang isang tao na nakatulong din sa mga tao na makamit nila ang kani-kanilang mga pangarap.”
Naging emosyonal din si Boy sa sinabi ni Ruru. Aniya, “Sarap pakinggan. 'Di ba? How do you want to be remembered? You know, another way of saying that is, uhm, he didn't surrender. He didn't surrender. He made it. And he was a good man.”
“Maraming salamat po,” sagot naman ng aktor.
Matapos ang kanyang pinagbidahang serye na Lolong, na kinilala bilang most-watched TV show of 2022 sa Pilipinas, muling mapapanood ngayon si Ruru sa action series na Black Rider.
Mapapanood ang Black Rider, simula ngayong Lunes, November 6, pagkatapos ng 24 Oras sa GMA Telebabad.
Patuloy na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.