
Magpapahinga raw muna ang actress-comedienne at TV host na si Pokwang sa buhay pag-ibig at magpo-focus muna siya sa kanyang mga anak, at sa negosyo.
Ito ang chika ni Pokwang sa Fast Talk with Boy Abunda nang bumisita sila rito ng kapwa Kapuso actress-comedienne na si Eugene Domingo upang i-promote ang kanilang bagong pelikula na 'Becky and Badette.'
Sa panayam kasi sa kanila ni Boy ay pinag-usapan ang kanilang buhay-pag-ibig.
“Wala muna. Mga 2024 sinasabi ko naman sa kanya [Eugene Domingo], magpo-focus ako sa negosyo. Doon muna ako magpo-focus, magpapayaman ako,” masayang sinabi ni Pokwang.
Dagdag pa niya, “'Yun muna Tito Boy tapos 'yung mga anak ko, oras para sa mga bata.”
RELATED GALLERY: Pokwang, nag-file ng petition for deportation laban kay Lee O'Brian
Tanong naman ni Boy kay Pokwang, “Halimbawa, dumating si Albert Martinez sa buhay mo?”
“A, pa'no ba 'to?” nag-iisip na sinabi ng komedyante.
“Bakit si Albert?” nagtatakang tanong naman ni Eugene.
“E kasi crush ko,” natatawang sagot ni Pokwang.
Pero sa kabila ng tawanan, may seryosong payo naman si Eugene para sa kaibigang si Pokwang tungkol sa pag-ibig.
Payo ni Eugene, “'Wag siyang sumuko. Kasi hindi naman totoo 'yung sinasabi nila na, 'Kaya ko, kaya ko ako lang mag-isa,' Darating at darating din ang panahon na 'yung dalawa mong anak, magkakaroon din sila ng sarili nilang mga pamilya at gusto ko, siguro pati na rin ng iyong ibang mga kaibigan na may kasama ka rin.
“Importante rin na may kasama kang tatanda, mag-e-enjoy sa buhay sa lahat ng pinagsumikapan mo. Meron totoong magmamahal sa'yo, dadating din 'yan.”
“'Yan din naman ang pinagdarasal ko. Pero may kasama 'ko, hindi mo lang nakikita, buksan mo third eye mo,” pabirong sinabi ni Pokwang.
Paglilinaw niya, “Hindi, pinagdarasal ko rin naman 'yan. Kung hindi rin lang galing sa kanya [God] e, 'wag na lang.”
Matatandaan na hindi naging maganda ang paghihiwalay nina Pokwang at ng kanyang ex-partner na si Lee O'Brian. Si Lee ay ang ama ng anak ni Pokwang na si Malia.
Mapapanood ang pelikulang 'Becky and Badette' nina Pokwang at Eugene sa December 25 bilang isa sa 2023 Metro Manila Film Festival entries.
Patuloy naman na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.