
Ito ang naging pahayag ng P-pop singer na si Stell nang tanungin siya ni Boy Abunda tungkol sa naging isyu ng kanyang grupong SB19 at dati nitong management na ShowBT Entertainment.
Kuwento ni Stell sa Fast Talk with Boy Abunda ngayong Lunes, wala silang ibang inalala noon kung 'di ang kanilang fans na ATIN na maaapektuhan sa isyu.
Aniya, “Simula po nang pumutok po 'yung isyu na 'yun sobrang worried po kami sa fans namin talaga kasi sila 'yung number one na magwo-worry sa amin.”
Pagbabahagi pa ni Stell, pinili niyang itago muna ang problema ng SB19 sa kanyang mga magulang pero sadyang mabilis pa ring kumalat ang balita.
“Ako po, nung dumating 'yun siyempre medyo nalungkot. Pero, mas pinilit ko po siyang itago sa parents ko rin, kasi ayoko pong ma-stress din 'yung mama ko, 'yung papa ko kasi iisipin nila. Of course 'yung fans din namin, ayaw namin na mag-alala sila or super malungkot sila. Pero, siyempre Tito Boy hindi talaga 'yan maitatago,” ani Stell.
RELATED GALLERY: Get to know Stell Ajero, SB19 member and 'The Voice Generations' coach
Pero paglilinaw ni Stell, masaya siya na naging maayos ang pag-uusap nila ng dati nilang management.
Aniya, “Ang masasabi ko lang Tito Boy, happy kami na both side na-settle na po namin and nagkaayos po kami, maayos po kaming nag-usap.”
Dagdag pa ni Stell, “Right now, masasabi po namin na we can finally continue with everything that we want to do. Right now, we're very happy that we can continue as SB19.”
Nang tanungin naman si Stell kung ano na ang mga mangyayari sa na-postpone nilang tour at concerts. Ito ang kanyang naging sagot, “Right now inaayos pa po namin 'yung mga nangyari before na hindi namin inaasahan. Nandoon po kami sa building ulit kung ano pa 'yung mga puwedeng gawin ng SB19. Isa-isa lang, slowly but surely.”
Sa ngayon ay naka-self manage na ang tinaguriang P-pop kings na SB19.
Samantala, sa naturang episode ng Fast Talk with Boy Abunda, nakapanayam din ng batikang TV host na si Boy ang first-ever The Voice Generations winner sa Pilipinas at sa Asya na Vocalmyx mula sa team ni Stell na Stellbound.
Matatandaan na isa si Stell sa naging coaches ng katatapos lang na first season ng The Voice Generations sa GMA kasama sina Billy Crawford, Julie Anne San Jose, at Chito Miranda.