
Sa huling episode ng Fast Talk with Boy Abunda para sa 2023, ginanap ang first-ever 'Fast Talk Awards' - isang nakatutuwang pagkilala sa mga artistang game na game na sumalang sa interview kasama ang batikang TV host.
Kasama ni Boy sa episode na ito ay ang kanyang impersonator na si Jayson Gainza a.k.a. Tito Bhoy at ang floor director ng programa na si Tiyang Susan.
Sa naturang awarding, pinangalanan ni Boy kung sino ang nakakuha ng Fastest Fast Talk at Slowest Fast Talk.
Ang nakakuha ng Fastest Fast Talk ay ang Kapuso actress at Miss Universe Philippines 2023 na si Michelle Dee.
Ayon kay Boy, “On record po ito. Tinapos ni Michelle ang 'Fast Talk' 30 seconds earlier than the time limit.”
Samantala, ang pinakamabagal naman na "Fast Talk" ay nakuha ng Kapuso Comedy Genius na si Michael V.
“Ang pinakamabagal na Fast Talk ay si….Michael V,” pag-aanunsyo nina Boy at Tito Bhoy.
Samantala, nagpasalamat naman si Boy sa lahat ng mga artistang kanyang nakapanayam ngayong 2023.
Aniya, “Thank you for making 2023, memorable. Maraming salamat po sa inyong suporta na ibinigay sa Fast Talk with Boy Abunda.”
Nagsimulang umere ang Fast Talk with Boy Abunda noong January 23, 2023. Ito ang unang programa ni Boy bilang isang nagbabalik-Kapuso.