
Bago lumipad patungo ng South Korea para sa Season 2 ng Running Man Philippines, ibinahagi muna ng runners na sina Mikael Daez, Lexi Gonzales, at Buboy Villar sa Fast Talk with Boy Abunda ang kanilang realizations sa Season 1 ng naturang variety game show.
Ayon kay Mikael, na-realize niya umano na napamahal na siya sa kanyang co-runners nang umuwi na sila sa Pilipinas matapos ang unang season.
Aniya, “Ako, ang takeaway ko, mahal ko pala 'yung mga co-runners ko. Sobra. Para sa'kin sobrang special talaga ng naging bond namin and kahit napakaganda ng konsepto ng Running Man, para sa akin 'yung chemistry talaga natin [maganda].”
Para naman kay Lexi, nabawasan ang kanyang pagka-miss sa kanyang pamilya dahil din sa kanyang co-runners.
“Nakaka-homesick when you're really far from your family, good company and good camaraderie makes the pain less painful,” ani Lexi.
Tinanong naman ng batikang TV host na si Boy Abunda ang actor-comedian na si Buboy kung mabenta ba siya sa paningin ng mga Korean.
Birong sagot naman ni Buboy, “Hindi naman po ako nagsisinungaling pero talagang lingunin naman po talaga ako.”
Pero kuwento ni Buboy, naging friendly sa mga Koreano habang nagte-taping sila noon ng Running Man.
Aniya, “Actually po kapag nasa ibang bansa po ako…takot po kasi akong mag-travel. Pero thank God dahil nakasama po ako bilang runner dahil noong nag-travel po ako, mas minahal ko 'yung sarili ko, dahil proud ako na isa akong Pinoy.
“Tapos lahat po ng Koreans po doon pinagkakawayan ko po 'yun lahat po sila kahit 'di nila ako tinitignan binabati ko [ng annyeonghaseyo] kasi proud po ako na parang alam ko 'yung words nila.”
Kuwento pa niya, “One time nalibre pa nga po ako ng isang taxi driver doon ng isang drink…kasi natutuwa raw siya sa akin kasi kapag meron daw mga artista doon hindi raw sila pinapansin. So, ngayon nung nalaman niya na artista pala ako tapos pinansin ko raw siya, natutuwa siya at gusto niya raw ako ilibre.”
“Pero nasabihan kang, 'You're very good looking?'” sunod na tanong ni Boy kay Buboy.
“A, hindi naman po niya sinabi 'yun,” sagot naman ng aktor.
Makakasama pa rin nina Mikael, Lexi, at Buboy ang iba pang runners na sina Glaiza De Castro, Angel Guardian, Kokoy De Santos sa Season 2 ng Running Man Philippines.
Bagamat abala sa kanyang seryeng Black Rider, parte pa rin ng bagong season si Ruru Madrid dahil may mahalaga siyang partisipasyon dito. Samantala, makikilala naman ang ika-pitong runner ng Running Man Philippines Season 2 sa mga susunod na araw.