TV

Erik Santos, inaming nag-audition din noon sa GMA

By Jimboy Napoles

Inamin ng Kapamilya singer na si Erik Santos na minsan siyang nag-audition noon sa GMA Network.

Sa episode ng Fast Talk with Boy Abunda ngayong Huwebes, February 22, game na nakipagkuwentuhan si Erik sa batikang TV host kasama si Asia's Limitless Star Julie Anne San Jose. Dito ay nag-promote ang dalawa ng kanilang upcoming first collaboration concert na pinamagatang “Love Bound.”

Sa kanilang panayam, proud na sinabi nina Erik at Julie na naging suki rin sila ng mga audition bago marating ang tagumpay ng kanilang mga karera ngayon.

Kuwento ni Erik, nag-audition din siya noon sa GMA bago pa siya manalo sa Star in a Million at sumikat bilang isang singer.

Aniya, “Lingid po sa kaalaman ng iba marami rin po akong auditions na sinalihan. Isa sa mga unang audition ko was here in GMA 'yun ang hindi alam ng mga tao.

“Sa first call, tinawagan nila ako pero nung mga sumunod na hindi na po. Okay lang. Tuloy-tuloy lang.”

Kuwento pa ng singer, si Boy ang nag-motivate sa kanya noon na muling sumali sa nasabing singing competition kung saan siya tinanghal na grand winner.

“Actually ayoko na pong sumali pero ikaw 'yung nagtutulak sa akin na, 'Eric, isa na lang, isang beses na lang. 'Pag hindi pa, sige bahala ka na.' So, Tito Boy po talaga 'yung nag-motivate at nag-inspire sa akin.”

Kuwento naman ni Boy, “Because I believe so much in your talent… When you handle an artist kailangan may brand equity e, may kakaiba. Hindi tunog Martin (Nievera), hindi tunog Gary (Valenciano), hindi tunog Ariel (Rivera). May tunog siya na kanya.”

Mapapanood ang “Love Bound” concert nina Erik at Julie sa March 2 sa Newport Performing Arts Theater.