TV

Diego Loyzaga, inaming gustong tularan noon ang amang si Cesar Montano

By Jimboy Napoles

Muntik nang maging emosyonal ang aktor at ngayon ay ama na na si Diego Loyzaga nang mapag-usapan sa Fast Talk with Boy Abunda ang relasyon nila ng kaniyang ama na si Cesar Montano.

Sa episode ng nasabing talk show ngayong Biyernes, first time muli na sumalang sa isang TV interview si Diego matapos ang maraming taon.

Sa nasabing panayam tinanong siya ng TV host na si Boy Abunda kung kumusta noon ang pagiging anak ng isang sikat na action star.

“Gaano kahirap 'yung anak ka ni Cesar? Alam mo 'yun? You take on a role, expectations are high. How do you survive that?” tanong ni Boy kay Diego.

Sagot naman ng aktor, “I think, Tito Boy, for the earlier part of my career, I was really trying to you know? Fill those shoes.”

Dagdag pa ni Diego, “I was trying talaga to be more like him. Then, I think, recently, parang kumalas na rin ako e. I'm just trying to be Diego. I know, they're very large shoes to fill, kaya hindi ko na pipilitin ang sarili ko na maging isang Cesar Montano. Gusto ko na lang maging isang Diego Loyzaga.

“Of course, I wanna achieve 'yung mga na-achieve niya sa career niya, but one day at a time.”

Matapos ito, muling nagtanong si Boy, “Sinasabihan ka ba niya ng 'Good job' or wala talaga or sinasabihan ka niya ng, 'I like the way you attack that.' May mga pagkakataon na ganun?”

Kuwento ni Diego, talagang naiyak siya noong purihin siya ni Cesar dahil sa kanilang confrontation scene sa isang proyekto.

Aniya, “Ang una namin kasing naging proyekto na magkasama kami, 'yung scene namin talaga is magkaaway, parang in a way medyo magkaaway, nagsusumbatan kami. So, I treated it as if I were just talking to my dad, and that was the first time na sinabihan niya ako na, 'I like that.' Hindi ako iyakin na tao, pero naiyak ako dun.”

Ayon pa kay Diego, “Everyone knows naman my story, for the people who don't, I didn't grow up naman with my dad. Not blaming him, not throwing shade on my father. It's just that those are the circumstances, and to get affirmation from your dad, ang sarap sa pakiramdam.”

Sa ngayon ay maayos naman daw ang relasyon nila ni Cesar. Sa katunayan, madalas daw silang nag-uusap tungkol sa kaniyang anak na si Hailey.

“And now the fact na lagi na kami magkausap, about the smallest things. He's so in love with my baby girl, with my baby,” ani Diego.

Si Diego ay anak ni Cesar sa batikang aktres na si Teresa Loyzaga.

Samantala, sa nasabing interview, inamin din ni Diego na matagal siyang sumailalim sa rehab dahil sa iba't ibang bagay gaya ng depression.

Mapapanood naman si Diego sa pelikulang A Glimpse of Forever kasama ang Kapuso actress na si Jasmine Curtis-Smith, at Jerome Ponce.

RELATED CONTENT: Diego Loyzaga opens up about going to rehab due to depression