TV

Lianne Valentin at Liezel Lopez, may kontrabida image na gustong ma-achieve

By Jimboy Napoles

Kabilang sa mga kontrabidang kinaiinisan ngayon ng mga manonood ay ang dalawang Sparkle actress na sina Lianne Valentin at Liezel Lopez dahil sa nakakagigil nilang mga karakter sa mga teleserye.

Sa Fast Talk with Boy Abunda ngayong Miyerkules, game na sumalang sa interview sina Lianne at Liezel.

Dito ay tinanong sila ng batikang TV host kung anong klaseng kontrabida ang gusto nilang maging tatak sa masa.

“Saan kayo papunta? In the context of being an anti-hero?” tanong ni Boy sa dalawang aktres.

Unang sumagot si Liezel. Aniya, “I think sa 'kin gusto kong makilala bilang kontrabida na mararamdaman mo kung bakit siya naging kontrabida. The kind of villain that you'll love to hate kumbaga.

“Nag-start 'yan sa Voltes V e… kumbaga kahit masama siya mararamdaman mo 'yung puso niya kung bakit siya naging masama, makaka-relate ka sa kanya in a way.”

Ayon naman kay Lianne, gusto niyang maging kontrabida na kakaawaan din ng mga tao.

“Ako naman sa pagiging kontrabida, gusto kong matandaan nila na hindi lang 'yung physical or like 'yung nakikita nila with my facial reactions but also sa mata talaga na tipong maaawa din sila sa'yo at the same time,” anang aktres.

Marami na ring naging kontrabida roles si Lianne kabilang na ang pagganap niya bilang si Stella sa Apoy Sa Langit na talagang nagpainit ng dugo ng GMA Afternoon Prime viewers. Sinundan pa ito ng kanyang pagganap bilang si Beatrice sa hit GMA Prime series na Royal Blood.

Hindi rin malilimutan ng mga tao ang pagganap ni Liezel bilang si Zandra sa Voltes V: Legacy, at ngayon bilang si Shaira sa Kapuso drama na Asawa ng Asawa ko.

Samantala, kamakailan lamang ay ipinakilala rin sina Lianne at Liezel bilang bahagi ng Sparkle 10 - ang piling sampung aktres ng Sparkle GMA Artist Center.

RELATED GALLERY: IN PHOTOS: Mga kontrabidang naging bida