TV

Darren Espanto, nanliligaw kay Jillian Ward?

By Jimboy Napoles

Nilinaw ng It's Showtime host na si Darren Espanto sa Fast Talk with Boy Abunda na hindi siya nanliligaw kay Abot-Kamay Na Pangarap lead actress Jillian Ward.

Matatandaan na marami kasi ang kinilig at nag-ship sa dalawa nang bumisita si Jillian sa debut ng It's Showtime sa GMA Network noong April 6.

Kuwento ni Darren kay Boy Abunda, siya mismo ay nabigla sa naging reaksyon ng mga tao sa pagkikita nila ni Jillian.

Aniya, “Nagulat po kaming dalawa, kasi hindi po namin in-expect ['yung feedback ng tao.]”

Aminado naman si Darren na maganda ang first impression niya kay Jillian nang makita niya ito sa nasabing noontime show.

“She has this bright aura. Which is something that I noticed right when I met her. Saka ano siya eh, she's very shy until you get to know her,” ani Darren.

Pero pag-amin pa ni Darren, nagkausap sila ni Jillian off-cam pagkatapos ng naturang episode ng It's Showtime. Dito ay napag-usapan daw nila ng magkaroon ng collaboration in the future.

“Before we parted ways, parang napag-usapan nga namin na sana one day, we could do a collaboration, kasi nagsama kami sa parang corporate event before. And she can also sing, and she asked if one day, puwede akong mag-guest sa parang YouTube channel niya,” ani Darren.

Matapos ang kanilang pagkikita ay nagka-follow-an na rin daw sila sa Instagram.

“After that episode, I was surprised, kasi siya pa ang unang nag-follow po sa akin, so I followed her back,” anang singer-actor.

Inusisa naman ni Boy ang nabuong friendship nina Darren at Jillian. Diretsahang tanong ng King of Talk, “So right now, you are in what kind of a relationship? Nanliligaw ka ba?”

Mabilis naman na sagot ni Darren, “Hindi naman po. Friends lang. Getting to know each other.”

“Kasi syempre, that's the first time we ever met po eh - noong launch sa GMA [ng It's Showtime]. Malay po natin, makapag-prod po kami sa Showtime,” anang binatang TV host.

Samantala, sa nasabing interview, inamin din ni Darren na ex-girlfriend niya ang Kapuso actress na si Kyline Alcantara. Matatandaan na nag-trending din ang rapport ng dalawa sa It's Showtime nang minsang mag-guest dito si Kyline.

Kasunod nito, nilinaw din ni Darren na hindi sila magkaaway ng kaniyang best friend na si Cassy Legaspi.

RELATED GALLERY: Jillian Ward, binansagang 'Pambansang Fiancée' ng netizens