
Parte na ng pagtanda ang pagkakaroon ng love life at para sa mga celebrities, isa ito sa madalas sinisilip ng mga tao. Ngunit ayon kay Ysabel Ortega, sobrang strikto ng kaniyang ina na si Michelle Ortega na umabot pa sa pangte-terrorize nito ng mga manliligaw noon ng young actress.
Sa first episode ng week-long celebration ng Mother's Day sa Fast Talk with Boy Abunda, kinumusta ng host kung ano ang first impression ni Michelle sa manliligaw ni Ysabel na si Miguel Tanfelix.
Aniya, “Mukha naman mabait itong bata na'to. 'Tita, opo,' nagpo-po naman siya, ganun.”
Sabi pa ni Michelle na noong unang nakilala niya si Miguel ay tingin niya ay may gusto na ito sa kaniyang anak, at ganun din si Ysabel sa young actor.
Bukod kay Michelle, nakilala na rin ng ama ni Ysabel na si Lito Lapid si Miguel, ngunit sinabi ng young actress na mas strikto pa rin ang kaniyang ina pagdating dito.
Aniya, “Mas sa nanay ako kinabahan. Parang ang sinabi lang po ng papa ko is, 'Alam ba ng nanay mo?' Nung sinabi niya na 'Opo,' then ok, naging chill na siya kasi alam niyang mas si mama 'yung pulis sa kanila.”
Dagdag pa ni Ysabel, isa sa mga rules umano ni Michelle ay kailangan maihatid na ang young actress sa bahay bago pa mag-sunset.
“Parang bampira, Tito Boy. Ginawa po akong bampira ng nanay ko,” biro pa niya.
Paliwanag ni Michelle, gusto lang niyang ingatan ang kaniyang anak lalo na at babae ito kaya naman noong una, pumapayag lang siya sa lunch dates para kay Ysabel.
BALIKAN ANG HEARTWARMING PROMISE NI YSABEL KAY MIGUEL SA GALLERY NA ITO:
Kuwento naman ni Ysabel sa mga lunch dates nila noon ni Miguel, papunta pa lang sila sa kakainan ay pinapauwi na siya ng kaniyang ina.
“On the way pa lang kami sa pagla-lunch-an namin, 'Anak, uwi na.' Hindi pa natatapos, hindi pa nga kami nakakaupo, 'Uwi ka na,'” pag-alala ng young actress.
Aminado rin si Michelle na “tine-terrorize” niya ang mga manliligaw ni Ysabel noon.
Sinasabi niya umano sa mga ito, “'Layuan mo ang anak ko.' Bawal siya mag-boyfriend, bawal pa siyang ligawan. Ganun po ako kastrikto.”
Ayon kay Ysabel, wala naman ganoong pinagdaanan si Miguel kaya para sa kaniya, “I take it as a stepping stone, Tito Boy, a little at a time. But I understand my mom and I know she just wants to protect me.”