
Inilahad ng Pinoy Taekwondo legend at Black Rider actor na si Monsour Del Rosario na ang yumaong Comedy King na si Dolphy ang nagkumbinsi sa kaniya noon na pumasok sa showbiz.
First time sa Fast Talk with Boy Abunda ngayong Lunes, July 8, nakipagkuwentuhan ang dating national athlete at batikang aktor na si Monsour sa King of Talk.
Dito ay pinag-usapan nila ang kaniyang naging pagsisimula sa showbiz mula sa pagiging isang atleta.
Kuwento ni Monsour, “After ng 1988 Olympics, kinuha ako ni Tito Dolphy. Siya ang nagsabi sa akin na, 'Monsour, gusto ko na mag-artista ka.'”
Sa una ay tumanggi raw noon si Monsour sa udyok ng yumaong si Dolphy, pero kalaunan ay pumayag din siya.
Aniya, “Sabi ko, 'Tito Dolphy, hindi ako marunong mag-Tagalog. Bisaya ako, Ilonggo ako.' Sabi niya, 'You'll learn Tagalog. Sabi ko, 'I don't know how to act.' 'You take an acting workshop' [sabi niya].”
Pinasok umano siya ng Comedy King sa ginagawa nitong pelikula noon na pinamagatang Enteng the Dragon na spoof ng pelikula ni Bruce Lee na Enter the Dragon.
“I did one movie. Nagkaroon ng magandang impact. Dumami ang nag-enroll sa taekwondo gyms na kakaunti pa lang 'yong gyms noon,” ani Monsour.
Malaki umano ang naging impact ng pelikulang ito kung kaya't dumami rin ang nagkainteres sa sports na Taekwondo.
Samantala, bukod sa pagiging atleta at aktor, pumasok din sa politka si Monsour. Nagsilbi siyang Representative ng 1st District ng Makati simula 2016 hanggang 2019.
Patuloy na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda, Lunes hanggang Biyernes, 4:00 p.m. sa GMA Afternoon Prime.
RELATED GALLERY: IN PHOTOS: Celebrity athletes and their sports