
Kasabay ng kanilang tuloy-tuloy na pagsikat sa music industry, bumubuo na rin ngayon ng bagong girl group ang tinaguriang P-pop kings na SB19.
Sa part two ng interview ng King of Talk na si Boy Abunda sa SB19 para sa kaniyang programang Fast Talk with Boy Abunda, ikinuwento ng grupo na nagkaroon na sila ng auditions para sa binubuo nilang P-pop girl group.
“Actually, nagpa-open kami ng audition for a girl group, and it's something na matagal po namin pinag-isipan,” anila.
Batid naman ng grupo na hindi madali ang mag-handle ng talents. “Kasi, syempre po, 'yun nga po, hindi siya madaling bagay. Kami nga po, hirap na hirap na kami i-handle 'yung sarili namin [tapos ngayon] mag-handle pa ng next group.”
“Pero it's something na gustong-gusto po talaga namin gawin and, alam po namin na equipped naman kami. Kasi we have the right people na tumulong po talaga sa 'min. Kasi we have the right teachers, right mentors,” saad ng “pinuno” ng SB19 na si Pablo.
Ayon pa kay Pablo, alam niya na maaaring magkaroon sila ng problema na puwedeng makasira sa kanilang grupo pero aniya, “Ang sasabihin ko po diyan, ito po, aaminin ko na sometimes, nagkakaro'n ako ng bad thoughts. Pero to be honest, binabalikan ko po e. Before we became businessman, we were friends. We were friends.”
Samantala, mapapanood naman si Pablo bilang coach sa pinakabagong The Voice Kids sa GMA. Makakasama niya rito sina Billy Crawford, Julie Anne San Jose, at kapwa SB19 member na si Stell.
Patuloy naman na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda, Lunes hanggang Biyernes, 4PM sa GMA Afternoon Prime.
RELATED GALLERY: The breakthroughs of Kings of P-pop SB19