
Masayang binalikan ng Starstruck alumnus at transman na si Jesi Corcuera ang kanyang mga araw bilang artista sa Fast Talk with Boy Abunda noong Martes, Oktubre 8.
Sa kanyang panayam kasama ang King of Talk na si Boy, ibinahagi niya ang kanyang karanasan bilang aktres at kasama sa isang love team noon. Nakuwento pa nga niya ang kanyang hindi malilimutang unang halik.
Inamin ni Jesi na ang kumuha sa kanyang first kiss sa lalaki ay walang iba kung hindi ang kapwa StarStruck alumnus na si Paulo Avelino.
"First kiss ko siya sa lalaki," nakangiti niyang sinabi. Biro pa ni Jesi tungkol sa reaksyon ni Paulo sa kanilang halik, "Nagulat siya. Baka nga hindi niya makalimutan iyon."
Masaya raw si Jesi na makatrabaho si Paulo bilang ka-love team. Kuwento niya, magkaibigan talaga silang dalawa kaya siguro hindi sila nagka-develop-an.
"Okay lang naman. Tropa lang kasi kami kaya hindi nag-work siguro," sabi niya.
Nagkatuwaan pinanood nina Jesi, Boy, at ang team ng programa ang kanyang kissing scene kasama si Paulo.
Komento pa ni Jesi, "Taray talaga, oh." Dagdag din niya, "Ba't kaya hindi [kami] nanalo dyan."
Sa kanilang kwentuhan, ibinahagi ni Jesi kung paano siya nagdesisyon na maging isang transman. Nabanggit niyang simula noong nasa Starstruck na siya, alam niyang hindi siya komportable bilang isang babae at mas kinikilala ang kanyang sarili bilang isang lalaki.
Ngayon, masayang buntis si Jesi sa kanyang baby girl na tinawag niyang "Ninja." Nagdesisyon ang Starstruck star na magkaroon ng sariling anak dahil nais niyang maging isang magulang tulad ng kanyang partner na si Cams.
Balikan ang pregnancy journey ni Jesi Corcuera sa gallery na ito: