
Para kay Lutong Bahay host Mikee Quintos, hindi dapat magsalita ng tapos ang mga taong nagsasabi na walang karapatan umano pumasok sa pulitika ang mga artista.
Sa loob ng maraming taon, ilang celebrities humawak ng pusisyon sa pulitika. Mula sa mayor, gobernador, hanggang mga senador ay merong ilang artista na nakaupo sa pwesto.
Sa nagdaang filing ng certificate of candidacy, ilang artista at online personalities ang nag-file at nagpakita ng intensyon nila ng pagtakbo sa nalalapit na midterm elections.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Huwebes, November 7, ay binanggit ng King of Talk na si Boy Abunda ang pagkakaroon ng mga magulang at miyembro ng pamilya na pulitiko ni Mikee. Dito ay tinanong rin ng batikang host kung may balak bang pumasok ang actress-TV host sa parehong karera.
Sagot ni Mikee, “Right now, Tito Boy, hindi talaga. I don't see myself going there. Pero ang tingin ko po kasi, ang pag-aartista at ang pulitiko, ang pinaka-common thing diyan, 'yung service sa tao.”
Hiningi rin ni Boy kung ano ang opinyon niya tungkol sa mga taong nagsasabi na wala umanong karapatan ang mga artista na pumasok sa puitika. Ang sagot ni Mikee, “'Wag tayong magsalita ng tapos.”
TINGNAN ANG CELEBRITIES NA TATAKBO SA 2025 ELECTIONS SA GALLERY NA ITO:
Sinang-ayunan rin niya ang sinabi ni Boy na discriminatory ang sinabing iyon ng mga tao sa mga artista at sinabing iisa lang naman ang gusto ng celebrity at pulitiko: ang magsilbi sa bayan, kahit pa magkaiba ng paraan.
“'Yung mga artista, gusto natin nagpapasaya, nagpapatawa ng mga tao. Service pa rin siya though, pero ang daming nagsasalita, ang daming nag-file ng candidacy na mga artista. Feeling ko, as long as 'yung hearts nila nasa tamang place, walang masama,” sabi ni Mikee.
Tinanong rin ni Boy kung paano naman kung ang boyfriend niyang si Paul Salas ang magpakita ng interes sa pulitika. Ang sagot ni Mikee, “Kung may choice lang ako, Tito Boy, pipigilan ko.”
Pero ayon sa aktres, kung iyon naman talaga ang gusto ng kaniyang boyfriend ay susuportahan pa rin niya ito.