
Sinagot nila Your Honor hosts Tuesday Vargas at Buboy Villar ang mga tinatawag ni King of Talk Boy Abunda na “Isyu ng Bayan.”
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Miyerkules, January 8, ay tinanong ng batikang host sina Tuesday at Buboy kung ano ang opinyon nila sa mga tinatawag niyang “isyu ng bayan.” Kabilang dito ang pagtakbo ng celebrities sa pulitika, ang pag-publicize ng break ups, at pagiging breadwinner ng isang indibidwal.
Unang tinanong ni Boy Abunda ang tungkol sa mga nababasa at sinasabi ng mga tao na walang karapatan ang mga artista na pumasok sa pulitika. Para umano kay Tuesday ay wala itong katotohanan.
“Pero medyo passé na, artist in politics. Bakit hindi veterinarians in politics? Try naman natin 'yun. Street sweepers in politics. Meaning to say, anybody can run for office as long as they're capable and their heart is there to serve the people,” sabi ng aktres.
Dito nagbigay rin si Boy Abunda ng kaniyang diskurso ukol sa paksa, at binalikan ang dating aktor na si Rogelio dela Rosa na minsan na ring pumasok sa pulitika noong 1957. Para sa batikang host, wala sa pagiging artista o hindi ang mga kwalipikasyon ng mga puwedeng kumandidato.
“Ano-ano ito? Ilan lamang sa mga qualifications; dapat registered voter ka, resident ka for 10 years, dapat ikaý nasa edad, 35 for senators, 40 for president, and can read and write. Kung may problema po kayo doon sa mga qualifications, amyendahan ng batas. Walang kinalaman ang mga artista diyan,” sabi ni Boy.
KILALANIN ANG 'YOUR HONOR' HOSTS NA SINA TUESDAY VARGAS AT BUBOY VILLAR SA GALLERY NA ITO:
Hiningi rin ni Boy ang opinyon nina Tuesday at Buboy tungkol sa pagsasapubliko ng celebrities ng kanilang break up. Ano Buboy, kung ano mang ang desisyon ng mga celebrities na ito na gawin ay irerespeto niya iyon.
“Para po sa akin, nire-respect ko po kung ano 'yung desisyon nila, kung ano 'yung gusto nilang tahakin na landas. Kung 'yun po 'yung trip nilang gawin, I'll support them,” sabi niya.
Para naman kay Tuesday, paraan iyon ng mga aktor para bigyan ng pagkakataon ang kanilang fans na damayan sila sa kanilang mga pinagdadaanan. Aniya, “Kasi 'yung mga fans lang naman po siguro ang kailangan ng paliwanag or ng mga back story kung bakit nangyari ang hiwalayan.”
“Pero ako, when I read [about] a breakup, I look at them as people, not as artists,” pagpapatuloy pa ng actress-comedienne.
Komento naman ni Boy, para sa isang die-hard fan, na-appreciate niya ang ginawa ng aktres na si Barbie Forteza na pagsasapubliko ng breakup nila ng dating longtime boyfriend na si Jak Roberto dahil pakiramdam niya umano ay “I am part of their journey.”
“Being public is not easy, pero parati kong sinasabi, and this is a generalization, when you decide to be public, you are public. Ano ang natitira sa'yo, maitago mo, that's what is private but take care of that privacy,” sabi ng King of Talk.
Binalikan din niya ang sinabi ng isang celebrity na tapos na umano ito sa pagiging breadwinner ng pamilya kaya naman, tanong ni Boy kina Tuesday at Buboy, “May expiration date ba ang pagiging isang breadwinner para sa pamilya?”
Sagot ni Buboy, “Ako po, Tito Boy, aminado po ako, para po sa akin, wala naman po sigurong expiration.”
Paliwanag ng aktor ay hindi matatapatan ng kahit gaano karaming pera o pagsuporta niya sa kaniyang mga magulang ang mga ginawa nila para mabuhay siya umano sa mundo kaya naman, hangga't kaya pa niya at susuportahan niya ang kaniyang pamilya.
"As long as masaya kami, siyempre hiwalay po 'yung father at nanay ko pero as long as nakakatulong ako at masaya sila, masaya din ako," pagtatapos ni Buboy.
Para naman kay Tuesday ay “problematic” umano ang termino na breadwinner dahil ibig sabihin umano nito ay “isa lang ang titindig para sa buong pamilya.”
“Tayo ay mga Pilipino so buhay na buhay ang bayanihan. Bakit ang bayanihan sa labas ng bahay magaganap? Pwede ba itong sa loob ng bahay? Tayo lahat ay magtulong-tulong at maging breadwinners instead na isa lang,” sabi ng aktres.