
Binigyang-linaw na ni Boobay, host ng Boobay and Tekla, ang naging pikunan nila noon ng actress at commercial model na si Karen Delos Reyes.
Sa isang episode ng reality competition show noon ng GMA Network na Extra Challenge, matatandaan na naglaro si Karen habang isa sa mga host ng programa si Boobay. Nang ipakilala ng komedyante at host ang aktres ay Delos Santos ang sinabi niyang apelido imbis na Delos Reyes.
Dito ay nagalit na si Karen at tila napikon kay Boobay at pinilit nitong itama ang pagsambit ng kaniyang apelyido.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Biyernes (February 7), binalikan ni King of Talk Boy Abunda ang naging pikunan umano nila ni Karen. Dito inamin ni Boobay na hindi niya inasahan ang naging reaksyon ni Karen sa kaniyang biro.
“Ang ginawa ko, parang fineed ko lang siya du'n sa apelido niya kasi 'di ba sumikat siya sa commercial na 'yung lolo niya, nagkamali sa pangalan niya, 'yung Gina, Karen, ganiyan. So ako, tinry ko naman na i-feed siya sa apelido naman. So ang ine-expect ko na sasabihin niya, 'delos Reyes po,'” paliwanag ni Boobay.
Dagdag ni Tekla ay tila hindi nasakyan ni Karen ang biro at nag-react kaagad.
Ani Boobay ay first break niya iyon sa TV kaya naman hindi sana siya papayag sa ginawa noon ni Karen sa kaniya, at sinabing lalaban sana siya noon.
“E pinipigilan ako ni Yanyan (Marian Rivera), 'Ano ka lang, kalmado ka lang,'” pag-alala ni Boobay.
Ngunit paglilinaw ng TV host at komedyante ay okay na sila ngayon ni Karen at katunayan ay good friends na sila.
BALIKAN ANG CELEBRITIES NA NAGKAAWAY DIN NOON, NGUNIT MAGKAKABATI NA NGAYON SA GALLERY NA ITO: