
Naging malaking parte umano ng career journey ni Mommy Dearest star Shayne Sava ang beteranong aktres na si Cherie Gil, at sinabing hindi niya ito malilimutan.
Bukod kasi sa pagiging isa sa mga hurado ng Starstruck season 7 ng beteranong aktres kung saan naging Ultimate Female Surivor si Shayne, ito rin umano ang isa sa mga nag-hone sa kaniya bilang isang aktres.
Sa pagbisita niya sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Biyernes, February 21, inalala ni Shayne ang yumaong aktres, kabilang na ang unang seryeng pinagsamahan nila na Legal Wives.
“Wow. Alam mo po, hinding-hindi ko po makakalimutan si MIss Cherie kasi po siya 'yung isa sa nag-hone sa akin as an actress. I remember, Tito Boy, sa Legal Wives kung saan po kami nagkasama, lagi niya po akong binibigyan ng advice,” pag-alala ni Shayne.
RELATED CONTENT: BALIKAN ANG MAGANDANG LEGACY NI CHERIE GIL SA GALLERY NA ITO:
Dagdag pa ng young actress ay maaaring sa unang pagkikita ay nakakatakot si Cherie Gil, ngunit kapag nakilala na umano ang beteranong aktres ay sobrang bait pala nito. Katunayan ay may ilang payo pa ito na hindi malilimutan ni Shayne.
“I remember, Tito Boy, sabi niya sa'kin, 'Always know your cameras, always know kung nasaan 'yung mga ilaw, tapos lagi mo dapat i-support 'yung mga kaeksena mo,'” pag-alala ni Shayne.
Dagdag pa ng young actress ay talagang tumatak sa kaniya ang payong iyon ni Cherie Gil na hanggang ngayon ay sinusunod pa rin niya ito.
Matatandaan na pumanaw si Cherie Gil noong August 2022 sa edad na 59. Nakilala ang award-winning aktres bilang La Primera Contravida para sa iconic villainous roles na ginampanan niya. Kabilang dito ang role niya bilang si Lavinia Arguelles sa 1985 Emmanuel H. Borlaza film na Bituing Walang Ningning kung saan nakatambal niya si Sharon Cuneta.