
Ibang-iba na umano ngayon ang mga bagong komedyante kumpara noong panahon nina Wacky Kiray at Negi, lalo na pagdating sa pagpapatawa at pagbitaw ng joke.
Sa pagbisita nila sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Miyerkules, March 6, kinamusta ni King of Talk Boy Abunda ang katangian ng mga bagong komedyante ngayon. Sagot ni Wacky ay hindi na sila katulad noong panahon nila ni Negi.
“Nu'ng panahon namin, kailangan mo talagang mag-aral e. Kailangan mong mag-aral ng mga bagong joke, kailangan mong pag-aralan 'yung craft mo, kung saan ka magaling, magbasa,” sabi ni Kiray.
Pinuna rin ng komedyante ang ginagawa ng iba na panlalait o kaya naman ay nagmumura para lang makapagpatawa, at sinabing hindi dapat ganu'n ang ginagawa.
Hindi naman itinanggi ni Negi na marami silang juniors na magagaling ngayon. Sa katunayan, hiling pa niya na ma-discover na sila agad.
“Kasi talagang ako naniniwala kasi ako, like ako, nu'ng nag-junior din ako, ngayon kino-consider nila ako as senior, ako, naniniwala talaga ako na 'yun e ipinamamana. Mabuting pakikisama talaga ang sikreto sa trabaho talaga,” sabi ni Negi.
Ngunit ayon kay Wacky, kahit magagaling na ay kailangan pa rin nilang mag-aral at sinabing “May mga bago na okay, may mga bago na hindi.”
Nabanggit din ng komedyante na sa mga pagkakataon na “nagkakahiraman” ng jokes sa performances madalas ay harap-harapan ito ginagawa. Ngunit aniya, kapag ang mga bago ang gumagawa nito, madalas ay hindi nila alam na sila ang orihinal na gumawa ng joke.
Paglilinaw ni Wacky, “Actually, Tito Boy, hindi naman ako madamot sa mga ganiyan e. 'Pag naibato mo, bato mo. Pero halimbawa gumawa ka ng joke, kung manggagaya ka ng joke, bigyan mo ng hustisya. 'Pag hindi mo nabigyan ng hustisya, mas magagalit kami which is ayaw na ayaw namin 'yan.”
RELATED GALLERY: BALIKAN ANG SUPERSTAR COMEDIANS NA DUMALO SA GMA GALA NOONG 2024 SA GALLERY NA ITO: