Angeli Khang, nagsampa ng kaso laban sa kaniyang ama

Inilahad ng sexy actress na si Angeli Khang sa Fast Talk with Boy Abunda na nagsampa sila ng kaniyang ina ng kaso laban sa kaniyang ama dahil sa physical abuse na ginawa nito sa kaniya at sa kaniyang kapatid noong sila ay menor de edad pa lamang.
Kuwento ni Angeli sa batikang TV host na si Boy Abunda, sumobra sa pagiging mahigpit ang kanilang ama pagdating sa pagdidisiplina sa kanila kung saan umabot na ito sa pisikalang pananakit.
Ayon sa Vivamax actress, dating Military Officer sa Amerika ang kaniyang ama kung kaya't likas dito ang pagiging strikto, pero hindi nila akalain na sosobra ito.
Aniya, “Since military discipline 'yung dad ko, mas naging uptight pa siya na… it became too much for us to handle, the both of us, me and my brother. My older brother.
“Kahit ano'ng makita, Tito Boy. One time, merong dos por dos, 'cause he owns a construction company there. May makita siyang dos por dos, nung nakita niya 'yun sinaktan niya agad 'yung kuya ko, pinalo sa likod. And hindi pula ang lumabas sa likod ng kuya ko, color purple na.”
Dahil sa natatamong pananakit ng kaniyang kapatid, tumakas daw ito pauwi ng Pilipinas at naiwan si Angeli. Dito na rin daw naranasan ng dalagang aktres ang pisikal na pang-aabuso mula sa ama.
“Ang way niya sa'kin, bigla niya 'kong nginudngod sa hugasan ng mga plato. Nginudngod niya 'ko do'n, at one week niya 'kong hindi pinakain.
"Since may farm kami do'n, may garden kami. Ang kinakain ko every time na pinapakain ko 'yung aso, pumipitas ako ng avocado, ng orange, ng apple. One week hindi ako kumain. Minsan nga kapag pinapakain ko 'yung aso nakikita ko, 'Ang sarap naman ng pagkain ng aso kainin ko na lang kaya 'to,'" kuwento ni Angeli.
Akala raw noon ng aktres ay normal lamang na pagdidisiplina ang ginagawa ng kaniyang ama sa kanila.
Aniya, “I actually thought that was a normal parenting hood. Opo, na kapag nagkamali ka, normal lang na saktan ka ng tatay mo, ng parents mo. But, hindi ko na-realize na sobra-sobra na pala. Na hanggang sa na-realize ko na lang na pumapasok ako sa school na may pasa, dumudugo 'yung kamay ko. Ang lagi lang sa'kin sinasabi ni Daddy to comfort me, 'I want the best for you.'”
Nang malaman ng paaralang pinapasukan ni Angeli sa Saipan ang ginagawang pananakit ng kaniyang ama, ay ipinatawag nila ito. Dito na raw naalarma ang ama ng aktres at pinauwi siya sa Pilipinas.
“Pagkauwi ng Pilipinas, [tinawagan] niya 'yung mom ko na, 'Kunin mo 'yung anak mo. Ah, pag-aralin natin dito sa Pilipinas. Kahit ano'ng gusto niyang school, or ano, susuportahan ko pa rin siya. And monthly allowances suportado ko pa rin.' Pero nung pagpasok ng mom ko nakita niya kung ga'no 'ko ka lanta, walang buhay. And nung nalaman ng mom ko, finile-an niya agad ng case 'yung dad ko,” paglalahad ni Angeli.
Hindi umano akalain ng ina ni Angeli na sasaktan din siya ng kaniyang ama.
Aniya, “Alam ng mom ko kung ga'no ka-strict, ka-military discipline si daddy, but she never knew na gaganunin din ako ni daddy.”
“Kasi, baby pa lang ako, ako 'yung pinaka-favorite ni daddy. Na ako 'yung spoiled than my brother. Kaya akala ng mom ko pagpunta ko ng US, okay ang future ko,” emosyonal na sinabi ng aktres.
Nakahain na ngayon ang warrant of arrest laban sa ama ni Angeli, at maaari na siyang hulihin ng pulisya sakaling umuwi ito ng Pilipinas.
“May warrant of arrest na. 'Yung case na finile namin, it took a lot of years. Ang daming dilemma na nangyari, but good thing nag-push through siya. [Year] 2020 'ata or '21 'yun natapos nung na-file-an na ng warrant of arrest 'yung dad ko.
“Thankful din sa career ko ngayon dahil mas naging easy 'yung pag-file ng case sa dad ko na naawa sa'kin ang mga tao. Pag-uwi daw ng dad ko, 'pag bumalik ulit ang dad ko dito sa Pilipinas, may warrant of arrest na siya. Huli na agad,” ani Angeli.
“You will forgive him, if he asks for forgiveness?” Tanong naman ni Boy kay Angeli.
“Yes,” sagot ng aktres.
Dagdag pa niya, “And now, maybe he's 70 plus, 80 plus years old. Uhm...there will be judgment kung hindi man siya ma-judge dito sa mundo. And I believe in God. There will always be judgment.”
Napanood si Angeli Khang bilang si Nimfa sa katatapos lang na GMA action series na Black Rider na pinagbidahan ni Ruru Madrid.
RELATED GALLERY: Angeli Khang opens up about abuse from her father on 'Fast Talk with Boy Abunda'





