Mark Herras, nagkaroon nga ba ng tampo sa GMA Network?

Aminado si StarStruck alumna Mark Herras na hindi naging madali makakuha ng trabaho sa entertainment industry matapos hindi ma-renew ang kaniyang kontrata sa Sparkle, ang talent management arm ng GMA Network. Ngunit paglilinaw ng aktor at dancer, wala siyang naging tampo sa network at sa halip, malaki ang pasasalamat niya para sa narating ng kaniyang karera.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes, February 4, ay sinagot ni Mark ang ilang issue patugkol sa kaniya at isa na dito ay ang pamba-bash ng netizens na diumano ay laos na siya.
Ngunit ayon sa actor-dancer, parte lang ng showbiz industry ang mawala panandalian sa limelight at hindi niya umano nilagay sa kaniyang utak na laos na siya, gaya ng sinasabi ng mga tao.
“Nagpasalamat na 'ko sa narating ko ever since. Lagi kong sinasabi 'yan, I'm very thankful sa GMA du'n sa narating ko na karera. 'Yung sobrang taas namin nina Jen (Jennylyn Mercado) before, sobrang pinagkakaguluhan ng mga tao,” sabi ni Mark.
Ani ng aktor, imbis na isipin niya ang sinasabi ng mga tao na nalaos na siya, ang pinagtutuunan niya ng pansin ang makapagprovide sa kaniyang pamilya, lalo na ngayon na paparating na ang baby number 2 nila ng kaniyang asawa na si Nicole Donesa.
RELATED: MARK AND NICOLE'S SECOND WEDDING ANNIVERSARY CELEBRATION:
“Nasa mindset ko, trabaho, trabaho. Kailangan kong magtrabaho. Bakit ko pa iisipin 'yung iisipin sa'kin ng mga tao na baka wala nang career, desperado na 'yang si Mark. E pag inisip ko 'yun, paano 'yung pamilya ko?” sabi ni Mark.
Ngunit tanong ni King of Talk Boy Abunda kay Mark, “May tampo ka ba sa GMA?”
“Tampo, it's more on parang nalungkot lang na parang hindi ako na-renew ng Sparkle. Pero tampo, hindi, kasi Tito Boy, hindi ako matampuhing tao e. Kumbaga, ang dami kong kailangan intindihin sa buhay ko kaysa magtampo pa sa network, kesa awayin ko pa si ganito, alam mo 'yun?” sabi ng aktor.
Sa ngayon ay mas nakatuon ang oras ni Mark sa kaniyang pamilya at sa pag-provide sa kanila.
RELATED: PHOTOS THAT PROVE THE MARK HERRAS IS THE ORIGINAL BAD BOY OF THE DANCE FLOOR




















