TV

Sunshine Cruz reveals why she chose to stay quiet about her breakup with Macky Mathay

By Dianne Mariano

Iba't ibang maiinit na tanong ang hinarap ni seasoned actress Sunshine Cruz sa latest episode ng Fast Talk with Boy Abunda.

Isa na sa mga topic na napag-usapan ay ang paghihiwalay ng aktres sa kanyang dating nobyo na si Macky Mathay. Tinanong ng batikang host na si Boy Abunda kay Sunshine kung bakit pinili nitong maging tahimik tungkol sa breakup nila ni Macky.

Matatandaan na nagkaroon ang breakup rumors sa pagitan ng dalawa nang mapansin ng ilang ilang entertainment websites at blogs ang pag-unfollow nila sa isa't isa sa Instagram noong September 2022.

Lalo naman umugong ang espekulasyon tungkol sa kanilang paghihiwalay nang ibahagi ni Sunshine sa social media ang isang cryptic post tungkol sa pagle-let go sa isang tao noong October 2022.

“I chose to be quiet because mayroong mga bata na involved. Mga anak niya na napamahal sa akin and 'yung mga anak ko na napamahal kay Macky. Nag-decide ako na maging quiet na lang kasi hindi naman talaga alam ng publiko kung ano 'yung pinagdadaanan namin or kung ano 'yung pinagdaanan ko,” pagbabahagi ng batikang aktres.

Ayon pa kay Sunshine, na-realize niya na mayroong tatlong mahahalagang bagay sa isang relasyon.

Aniya, “Hindi lang love, dapat nandoon ang trust, nandoon ang respect. Kapag mayroong isang nawala roon, it's not going to work. And sa edad kong ito, I am 45 years old. Hindi na dapat pinapatagal.

“Of course, you give chances. You give your second chance, third chance, hanggang 10 pa nga na beses magbibigay ka, e. Pero at the end of the day, you wake up one day at mare-realize mo na wala ng patutunguhan ang relationship and you just have to be thankful for the years you've been together. Naging maganda 'yung pagsasama ninyo, nagmahalan kayo, naging inspirasyon kayo sa isa't isa.”

Sa binigay na tatlong elemento, tinanong ni Tito Boy si Sunshine kung alin sa mga ito ang nawala sa kanyang past partners na sina Macky at Cesar Montano kaya nauwi sa hiwalayan ang kanilang relasyon.

Ayon kay Sunshine, parehong trust ang nawala sa mga ito ngunit hindi na niya idinetalye ang rason sa likod nito.

Nang tanungin naman ang aktres kung mayroong third party sa kanilang hiwalayan ni Macky, sagot ni Sunshine, “Wala ako sa posisyon na magsalita tungkol diyan.”

Nagsimula ang relasyon nina Sunshine at Macky noong 2016. Samantala, mayroon naman tatlong babaeng anak si Sunshine sa kanyang ex-husband na si Cesar. Ito ay sina Angelina, Sam, at Chesca.

Samantala, mapapanood si Sunshine sa afternoon drama series na Underage, Lunes hanggang Biyernes, 4:25 p.m., sa GMA Afternoon Prime.

Para naman sa iba pang maiinit na showbiz balita, tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda, Lunes hanggang Biyernes, 4:05 p.m., sa loob ng 20 minuto sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.

SAMANTALA, SILIPIN ANG HOTTEST BIKINI LOOKS NI SUNSHINE CRUZ SA GALLERY NA ITO.