
Masaya ang aktor na si Kokoy De Santos dahil natupad na ang kaniyang pangarap na makapagpatayo ng sariling bahay para sa pamilya.
Sa Fast Talk with Boy Abunda, ikinuwento ni Kokoy ang hirap na kanilang pinagdaanan dahil sa kawalan ng permanenteng tirahan. Ayon sa aktor, ilang beses din silang nagpalipat-lipat ng bahay, dahil hindi sila nakakapagbayad sa bangko noon.
Kuwento niya, “Pangarap ko 'yun Tito Boy kasi ilang beses na kaming palipat-lipat. May ilang bahay kami na natirhan Tito Boy na sa amin kaya lang nahihila ng bangko.”
“Twice, isa sa Laguna, isa sa Cavite rin. Nahihila e, kasi nade-delay ang allotment ng erpats, ako wala ring raket, lahat nagsasabay-sabay,” dagdag pa niya.
Naka-relate naman sa kuwentong ito ni Kokoy ang TV host na si Boy Abunda, dahil minsan na rin itong nakuhanan ng bahay ng bangko.
“Nang mamatay ang Tatay, pag-uwi ko ng Samar 'yun ang salubong sa akin ng nanay, 'Nakasangla ang bahay natin sa PNB.' Nakatingin lang ako dahil hindi ko maintindihan. Hindi ko rin alam ang isasagot parang, 'Ano ba ang gagawin?' So dumikit 'yan sa isipan ko, 'Pagdating ng araw, ipagpapatayo kita ng bahay nanay,'” kuwento ni Boy.
Dagdag pa ng TV host, “So I understand that resolve na gagawin ko ito para sa nanay, para sa tatay.”
Sa ngayon, pangarap ni Kokoy ang makapag-ipon upang makapag-travel kasama ang kaniyang pamilya at ang gumising ng walang bayaring utang.
Aniya, “Gusto kong mag-travel kasama 'yung pamilya ko. Gusto kong mag-ipon nang mag-ipon [para] makapag-travel kasama ang pamilya ko at gigising sa umaga na wala nang iisiping utang 'yun lang simple lang.”
“Kahit papano Tito Boy hanggang ngayon, kahit na nakakaipon e, may binabayaran pa rin,” ani pa ni Kokoy.
Samantala, mapapanood naman si Kokoy sa GMA primetime series na The Write One at sa longest-running comedy gag show sa bansa na Bubble Gang.
Para naman sa iba pang maiinit na showbiz balita, tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda, Lunes hanggang Biyernes, 4:45 p.m. sa loob ng 20 minuto sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.
MAS KILALANIN SI KOKOY DE SANTOS SA GALLERY NA ITO: