TV

Gabby Concepcion, malambing at maasikaso kay Sanya Lopez kahit off-cam

By Cherry Sun

Tunay na gentleman mapa-on screen at off-screen si Gabby Concepcion. 'Yan ang pinatunayan ni Sanya Lopez nang maka-chat ng First Yaya stars ang mga Kapuso abroad sa isang virtual conference na inayos ng GMA Pinoy TV.

Nitong Lunes, March 15, naganap na ang world premiere ng First Yaya. Ipinakilala na ang character ni Sanya bilang si Melody at ni Gabby bilang si Vice President (VP) Glen Acosta. At sa naturang pilot episode ay pinagtagpo na ang dalawa nang abutan ng panyo ni VP Glen si Melody nang makita itong umiiyak.

Ang pagiging gentleman na ito ng karakter ni Gabby ay hindi nalalayo sa kanyang totoong personalidad. Lumabas kasi ang pagiging maasikaso at malambing ng aktor sa likod ng camera ayon sa karanasan ni Sanya.

Hirit ni Gabby, “Naging alalay ako niyan. [Kinakarga] ko 'yung mga gamit niya dahil siyempre leading lady ko siya. Nakikita kong may dala siya, ayaw ko siyang may dala. Ako 'yung yayo niya, hindi siya 'yung yaya ko.”

Dugtong naman ng aktres, “Nakakahiya. Nakakahiya po talaga kasi kita niya ako, bitbit ko 'yung gamit ko, naka-ganun (sampay sa balikat) sa akin kasi siyempre kami-kami nalang… Nakikipag-agawan si Kuya Gabby sa akin ng gamit. 'Ako na, ako na.' Sabi ko, 'Hindi puwede.' So parang agawan kami palagi.”

Maliban sa pagtulong ni Gabby kay Sanya sa pagbubuhat ng kanyang mga gamit sa kanilang lock-in taping, madalas din daw siyang bigyan ng pagkain ng kanyang leading man.

Ani Sanya, “Hindi ko rin makakalimutan kay Kuya Gabby 'yung siyempre pinagluluto ka niya. Noong first time namin magkita, binigyan niya ako ng mga pagkain.

“Noodles, hindi ko makakalimutan 'yung noodles na 'yan. 'Tsaka siyempre meron siyang ginagawa[ng health drink], pinadalhan niya ako.”

Huwag magpahuli sa First Yaya! Mapapanood ito mula Lunes hanggang Biyernes, 8 P.M. sa GMA Telebabad, GTV, Heart of Asia channel, at pati na sa GMA Pinoy TV. Para sa mga Kapuso abroad, bisitahin lamang ang www.gmapinoytv.com/subscribe para sa ibang detalye.

Alamin kung bakit n'yo dapat laging abangan ang Kapuso rom-com series na ito rito. Kilalanin din ang iba pang characters ng First Yaya sa gallery sa ibaba: