TV

TRIVIA: 'First Yaya' character ni Boboy Garovillo, orihinal na hindi planong ibalik sa programa

By Cherry Sun

Ibinahagi ni Jojo T. Nones, isa sa creators ng First Yaya na iniba nila ang takbo ng Kapuso rom-com series upang ibalik si Tatay Florencio, ama ni Yaya Melody (Sanya Lopez) at ang karakter na ginagampanan ni Boboy Garovillo.

Unang episode pa lang ng First Yaya, nasaksihan na natin ang pagdadalamhati ni Yaya Melody nang pumanaw ang kanyang ama:

Sumakabilang-buhay si Tatay Florencio at dito na sana nagtapos ang role ni Boboy. Gayunpaman, naisip ng creative team ang kahalagahan ng character na ito sa buhay ng ating bida. Para sa mga manonood kasi ay mahalaga ang character na ito bilang matatawag na daddy's girl si Yaya Melody na namana sa kanyang ama ang pagiging palaban, masipag at maprinsipyo.

Ani Jojo, “Para umusad ang kuwento ni Melody at para kapitan natin siya, a strong heroine is also a broken heroine. So for Melody to be a little bit broken, there is a part of her life that is sad that needs to be filled. Audiences want to see that part of her life filled so kinuha natin si tatay sa kanya.

“Sa una namin set-up, wala 'yung tatay na nakikipag-usap sa kanya. Si Tatay ang core value ni Melody eh. Sa kanya nakuha 'yung integrity and honesty tapos 'yung pride sa hardwork 'no. So sabi namin, 'Kailangan nand'yan pa rin si Tatay.' So 'yun, naisip namin na ibalik siya in some other form, in some other representation. At ito na nga 'yun, 'yung bigla na lang bumalik sa buhay ni Melody si tatay.

Ibinalik sa kuwento si Tatay Florencio bilang isang multo o bahagi ng imahinasyon ni Yaya Melody. Ngunit para raw hindi ito maugnay sa katatakutan o kababalaghan, minabuti ng First Yaya team na i-ayon ang pananamit nito sa nararamdaman at karanasan ni Yaya Melody.

“To a certain extreme, mas napalakas namin tuloy 'yung pait and 'yung bitersweetness lalo na't hindi niya pwedeng yakapin si tatay eh. Mahal na mahal niya pero hindi niya pwedeng yakapin. Hindi naman niya talaga totoong kasama. Tuwing nag-uusap sila, maputol lang ng kaunti 'yung usapan, mawawala na si Tatay.

“Nadagdagan ng kirot and yet nadagdagan din naman ng sense of comfort kasi tatay is still there. Natupad pa rin ni tatay 'yung promise niya na hindi niya iiwanan si Melody.”

Dagdag pa ni Jojo, malaki ang papel ng presence ni Tatay Florencio sa isang bagay na dapat matutuhan o pagdaanan ni Yaya Melody. Ito raw ang dapat abangan ng mga manonood sa mga susunod na eksena ng First Yaya.

Aniya, “Maybe in one scene in the future, we'll see Tatay Florencio saying goodbye because nakamit na 'yun ni Yaya Melody, makakamit na 'yun ni Yaya Melody. Maybe that's something to look forward to for our audiences 'no. 'Yung hihintayin nila hanggang kailan nandyan si Tatay Florencio.”

Maiban kay Jojo, nagbigay rin ng kanilang paliwanag sina Mary Cuevas, isang paranormal investigator at intuitive wellness coach, at Dr. Randy Dellosa, isang psychiatrist, clinical psychologist, at grief therapist tungkol sa mga karanasan ng mga tao kaugnay sa mga mahal nila sa buhay na yumao na.

Ano nga ba ang katotohanan sa likod ng pagkamatay ni Tatay Florencio? At paano nito maaapektuhan ang fairy-tale-like story nina Yaya Melody at President Glenn Acosta?

Sabay-sabay tayong kiligin, tumawa at mangarap sa First Yaya tuwing Lunes hanggang Biyernes, 8 P.M. Para sa mga Kapuso abroad, maaari ring bisitahin ang http://www.gmapinoytv.com/subscribe para sa kumpletong detalye kung paano puwedeng mapanood ang First Yaya overseas.

H'wag palampasin ang First Yaya! Kilalanin ang characters ng Kapuso rom-com series na ito sa gallery sa ibaba: