TV

'First Yaya' fan na dumaan sa matinding pagsubok ang pamilya, malaki ang pasasalamat sa show

By Rowena Alcaraz

Sa nalalapit na pagtatapos ng Kapuso Primetime show na 'First Yaya,' marami ang nalulungkot na matutuldukan na ang love story nina Yaya Melody at President Glen Acosta, mga karakter na ginagampanan nina Sanya Lopez at Gabby Concepcion.

Ngunit bago ito tuluyang mamaalam sa ere, may isang avid viewer na nag-share ng kanyang kuwento kung paanong binigyan siya at ang kanyang pamilya ng show ng pagkakataon na ngumiti kahit sandali sa gitna ng kanilang problemang hinaharap.

Bahagi ng netizen na may Twitter handle na silents74425532, isang linggo bago ang pilot episode ng First Yaya, dumating ang isa sa pinakamalaking pagsubok sa kanilang pamilya. Na-diagnose na may malubhang sakit ang ama ng kanilang tahanan.

Nagpabalik-balik sila ng ospital para sa iba't ibang laboratory tests. Biglaan din ang naging pagbagsak ng katawan ng kanyang ama. Mula sa dating timbang na 65 kilos, naging 55 kilos na lang.

Dito na rin nagsimula ang kanilang sleepless nights. Aniya, magigising sila sa gabi kapag naririnig nila ang kanilang ama na dumadaing ng dahil sa karamdaman.

“Hindi na kami nagbubukas ng TV kasi si Dad yung mahilig talaga manood…

“Yung mood sa bahay sobrang lungkot. As in after naming mag-dinner, magdadasal then papasok na kami sa kanya kanyang room.

“Wala kaming magawa kundi umiyak na lang secretly.”

First Yaya premiere

Dala ng nakabibinging katahimikan sa kanilang bahay, nasumpungan ng netizen na magbukas ng TV matapos nilang maghapunan at magdasal bilang pamilya.

“Si Dad naman nasa kwarto na. Saktong start ng First Yaya, akala ko matagal na s'yang series 'yun pala premiere 'yun. Sabi ni mommy, 'Sino 'yung babae?' Sabi ko, 'Si Sanya Lopez, 'yung gumanap na Danaya sa bagong Encantadia, kapatid ni Jak Roberto.'”

“'Di namin namalayan napapangiti na pala kami. Bigla ko na-realize, medyo nakalimutan pala namin na may sakit si Dad. The next day sabi ni ate after ng prayer, 'Ano'ng channel si Melody?' Hanggang sa naging routine na naming 'yung after dinner, prayer, then nood ng 'First Yaya.'”

“Although medyo mahirap pa din 'yung pagtulog namin sa gabi at least medyo nala-lighten yung mood sa bahay 'pag nanonood kami ng First Yaya.”

Isang milagro

Patuloy na kuwento ng netizen, “Dumating sa point na almost dying na si Dad. Pabalik-balik s'ya sa hospital, sobrang dami ng tine-take n'yang meds pero parang walang nangyayari. Mas lalo pang bumagsak ang katawan n'ya…

“Hirap na hirap kami pumasok nun sa work kasi natatakot kami na pag-uwi namin wala na s'ya. Nakakatakot din matulog nun dahil baka paggising namin wala na s'ya.

“I always remember 'yung scene na namatay 'yung tatay ni Melody. Hindi sa ayaw ko ang scene na 'yun, it's just that ayokong makita 'yung sarili ko na ganun.”

Noong sumusuko na ang ama ng netizen, dasal ang kanilang naging panlaban.

At bago matapos ang Marso, may nakita silang improvement.

“He even asked me one night nung puntahan ko s'ya sa room, 'Ano 'yung pinapanood n'yo?' Ang lakas kasi ng tawanan n'yo eh.' Mahilig kasi talaga s'yang manood ng TV kaya miss na din namin talaga s'ya na makasama sa living room.

“I told him, 'Bago po ng GMA, First Yaya, si Sanya.' Alam kong kilala n'ya si Sanya kasi mas madami pa s'yang kilala kesa sa'kin."

By the time na magsimula na ang buwan ng Abril, nagtuloy-tuloy na din ang recovery nito. Sa katunayan, noong Mayo ay kasama na nila itong nanonood ng First Yaya gabi-gabi.

“S'ya pa nagsabi sa 'kin na 'malapit na palang matapos si Yaya Melody.' Sabi ko, 'Okay lang 'yun Dad, pag-pray na lang natin na may Book 2.'

“I just want to tell na memorable sa'min ang First Yaya kasi naging way namin 'yung panonood para makalimot ng lungkot at problema kahit sandali lang.

“Although nakaka-sad talaga na matatapos na siya. Sa kabilang banda masaya kami kasi malakas na ulit si Dad. Sabi nga ni Yaya Melody, 'wag tayong makakalimot magdasal.' Totoo 'yun kasi miracle para sa amin ang paggaling ni Dad.

“And blessing sa'min ang First Yaya para magkaroong ng chance na tumawa sa gitna ng problema.”

Yaya Melody

Samantala, umabot na din sa bida ng show na si Sanya ang post na ito ng netizen at may mensahe din siya para dito.

“Grabe 'tong kwento mo… sobrang naiiyak ako @silents74425532. Di namin alam na ganito 'yung impact ng First Yaya sa life ninyo. Maraming salamat po! Ipinagdarasal din ng buong pamilya ng First Yaya ang tuluyang paggaling agad ng daddy mo! Maraming salamat ulit."

Patuloy na tutukan ang First Yaya, gabi-gabi sa GMA Telebabad.