TV

EXCLUSIVE: Boobay at Tekla, tuloy ang pagpapasaya sa TV crossover ng 'The Boobay and Tekla Show'

By Cherry Sun

Aminado sina Boobay at Tekla na hindi basta-basta ang matatapatan nilang programa ngayong malapit na ring mapanood sa telebisyon ang The Boobay and Tekla Show (TBATS).

Boobay and Tekla

Simula January 27, Linggo, mapapanood na rin sa TV ang TBATS, kasunod ng Kapuso Mo, Jessica Soho.

Sa exclusive interview ng GMANetwork.com kamakailan, inihayag nina Boobay at Tekla ang kanilang nararamdaman tungkol sa malaking pagbabago sa kanilang hit comedy show.

Sabi ni Boobay, “Pressured but at the same time, feeling mo na binigyan ka talaga ng oportunidad, gawin mo 'yung best mo. Mas magkakaroon pa kami ng hugot talaga na mas magpasaya pa and at the same time hindi magpabaya sa trabaho na ipinagkaloob sa 'yo.”

Patuloy niya, “Siguro ito 'yung pagkakataon para mas maging disiplinado pa kami sa work na binigay sa amin at 'yung purpose namin na makapagpasaya. Kumbaga mas focused sa pagpapasaya ng audience na mga Kapuso natin.”

Sa kabilang banda, sa halip na pangunahan ng kaba, sinabi ni Tekla na mas iniintindi nila na makapaghatid ng kasiyahan at katatawanan para sa kanilang mga manonood.

Aniya, “Sa amin naman, work lang tayo. Basta ang importante, magpasaya kami.”

Samantala, sa ginanap na press conference ng TBATS noong Lunes, January 14, binigyang-diin ni Tekla na ipagpapatuloy lamang nila ang pangunahing layunin ng kanilang programa ngayong mapapanood na ito sa telebisyon.

Aniya, “Ang importante trabaho lang and 'yung purpose namin. Ang main purpose ng TBATS is to entertain people. Ang tao mamimili naman 'yan, e. Ikaw mismo, sa sarili mo, alam mo kung ano makapag-e-entertain sa 'yo.”