TV

'Good News' at 'Reporter's Notebook,' mapapanood na sa weekend!

Simula ngayong January 22 at 23, more good vibes at quality shows ang aabangan ng GTV viewers dahil mapapanood na sa bagong oras ang award-winning GMA Public Affairs programs na “Good News Kasama si Vicky Morales” at “Reporter's Notebook.”

Talaga namang good vibes ang hatid ng Good News Kasama si Vicky Morales na mapapanood na tuwing Sabado, 9:05 p.m., sa GTV. Samantala, mapapanood naman tuwing Linggo, 9:15 p.m., ang eight-time New York Festival World Medalist na Reporter's Notebook.

Kasama ang segment hosts na sina Maey Bautista at Love Añover, hatid ni Vicky Morales sa Good News ang mga kuwentong magdudulot ng excitement at inspirasyon sa viewers.

Ngayong Sabado, dahil natatanging exotic beauty si Maey B., binigyan siya ng isang exotic challenge--ang paglantak ng exotic food! Kaya naman tumungo siya sa Pampanga, kung saan may mga dinamay siya sa kanyang challenge. Samahan sila sa pagtikim ng salagubang, camaro, at ostrich.

Kasama naman ang travel vloggers na sina Banjo Magnaye at Arnold Gonzales, bibisita ang programa sa isang kakaibang resort sa Laiya, Batangas. Para ka raw nakatira sa loob ng bahay ng paruparo kapag napadpad sa accommodations ng lugar. At dahil camouflage artists ang ating travel buddies, papakitaan nila tayo ng talent gamit ang mural ng resort.

Ang tilapia, hindi lang sa pinirito umaariba. Patutunayan ni Chef Gelo na pwedeng lumevel-up ang simpleng isdang ito sa lasa't hitsura. Sa Good News Kusina, ipapakita ni Chef Gelo kung paano lutuin ang dalawang panalong tilapia recipes, ang Tilapia Tacos at Tilapia Buffalo.

Sa Linggo ng gabi naman, ihahatid ng Reporter's Notebook ang ilan sa mga importanteng isyung dapat malaman ng publiko. Pinangungunahan ng veteran journalists na sina Maki Pulido at Jun Veneracion, nananatiling isa sa highly-acclaimed public affairs shows ng bansa ang Reporter's Notebook kung saan marami nang mga istorya ang nabigyang pansin ng mga kinauukulan matapos maipalabas sa programa ang mga ito.

Para sa linggong ito, iimbestigahan ng programa ang online lending schemes kung saan maraming lendees ang nagrereklamo ng hindi patas na paniningil ng utang at pamamahiya mula sa lending companies kapag hindi nakakapagbayad sa tamang oras.

Abangan ang Good News kasama si Vicky Morales at Reporter's Notebook sa bago nitong time slot simula ngayong Sabado at Linggo sa GTV.