TV

Paolo Contis at Benjamin Alves, magbabanggaan sa 'I Can See You: The Promise'

By Dianara Alegre

Sa unang pagkakataon ay magsasama sa isang serye ang dalawa sa mga bigating Kapuso stars na sina Paolo Contis at Benjamin Alves para sa bagong seryeng “The Promise.”

Ang “The Promise” ang ikalawa sa apat na mini-series na bumubuo sa pinakabagong drama anthology na handog ng GMA Network, ang I Can See You.

Masusubok sa serye ang galing ng dalawang aktor sa pag-arte dahil hindi lamang mahusay sa cinematography, makapigil hiningang set location, at A-list Kapuso stars na kinabibilangan nina Andrea Torres, Yasmien Kurdi at Maey Bautista, ang handog ng serye.

Ito ay idinirihe rin ng award-winning director na si Zig Dulay na nagsabing bukod sa maayos na execution ng mga eksena, isa rin sa mga strength ng serye ang husay sa pag-arte ng mga artistang gumanap dito.

“First time na ngayon lang nila makikita na nagsama-sama sila du'n sa isang serye. Nagsama-sama sila dahil sila lang 'yung nandiyan. Hindi ganu'n.

“Nagsama-sama sila kasi feeling ko sila 'yung pasok sa bawat character. Para sa akin sobrang importante nu'n swak na swak, niyakap nila 'yung characters nila.

“Naa-amaze pa rin ako du'n sa mga nuances, du'n sa mga ibinibigay nila doon. Sana makita 'yun ng mga tao,” aniya sa I Can See You: The Promise virtual media conference nitong Huwebes, October 1.

Dagdag pa ng direktor, “Parang napakagandang opportunity 'yung 'I Can See You' particularly itong 'The Promise' para mas ma-appreciate pa natin itong mga artistang ito.

“'Yung edge ng episode namin para sa akin, ang strength niya ay 'yung mga artista at kailangan nilang makita 'yon.”

Ang “The Promise” ay tungkol sa istorya ng multi-millionaire businessman na si Frank Agoncillo na labis na nagdadalamhati sa pagpanaw ng pinakamamahal niyang asawa, si Clarisse Agoncillo. Pumanaw si Clarisse nang masangkot sila aksidente.

Dahil dito, naging miserable ang dating makulay at masayang buhay ni Frank. Sa kanyang pagdadalamhati ay nakilala niya si Ivy Teodoro, ang girlfriend ng pinsan at right hand man niyang si Jude Agoncillo. Ang pagdating ni Ivy sa buhay niya ang muling magpapanumbalik sa mga alaala ng namayapang si Clarisse.

Tampok din sa serye sina Andrea Torres, Yasmien Kurdi at Maey Bautista.

Abangan ang I Can See You: The Promise sa Lunes, October 5, sa GMA Telebabad, pagkatapos ng Encantadia.