
Kantyaw ang inabot ni Kapuso actress Shaira Diaz sa entertainment press matapos makita ang teaser ng paunang episode ng Season 2 ng hit mini-series na I Can See You.
Pagbibidahan nila Shaira at Ruru Madrid ang episode na pinamagatang “On My Way to You.”
Humarap kamakailan ang cast members ng serye sa isang virtual press conference na inihanda ng Kapuso network para sa mga miyembro ng media.
Sa teaser kasi ay makikita si Shaira na nakasuot ng itim na two-piece swimsuit habang nagre-relax sa isang outdoor bathtub ng isang bakasyunan.
“Opo, two-piece na two-piece po talaga,” nangingiting sagot ni Shaira nang biruin ng entertainment reporter na si Rommel Gonzales matapos makita ang teaser.
Hindi ito ang first time ni Shaira na magsuot ng sexy swimwear sa harap ng kamera, pero aminado ang aktres na nakaramdam siya ng kaba habang kinukunan ang eksena.
“Nakakahiya po,” natatawang sagot ni Shaira na gaganap bilang isang runaway bride sa serye.
Nagpapasalamat naman si Shaira kay Direk Mark Reyes dahil siniguro nito na kumportable siya during the shoot.
Nakatulong raw ang pag-aalaga ni Direk Mark para maayos na maitawid ni Shaira ang eksena.
Done in good taste naman raw ang eksena kaya walang dapat ikabahala ang mga tagahanga ni Shaira.
Game naman daw si Shaira na paminsan-minsan ay iwan ang kanyang wholesome image kung kinakailangan sa istorya at role na gagampanan.
“Bakit naman po ako hihindi basta importante siya sa scene po, go po ako,” paliwanag ng magandang aktres.
Aprubado naman daw ng boyfriend ni Shaira na si EA Guzman ang eksena maging ang konting pagpapa-sexy nito sa “On My Way to You.”
“Parang walang away po 'di ba, tito?” nakangiting sambit ni Shaira kay Rommel.
Samantala, wholesome na wholesome naman raw ang papel ng co-star ni Shaira na si Ashley Rivera dito sa serye.
Nagbiro pa nga ito na ipinaubaya na niya muna ang “pagtu-two-piece” kay Shaira para maiba naman.
“I'm so proud na napaka-wholesome ko sa series na 'to. Kasi usually nire-require sa 'kin na sexy. Ito 'yong first time na talagang kinover nila. So, wala po akong pasabog na ganun,” natatawang kuwento ni Ashley.
Mapapanood na ang I Can See You Season 2 “On My Way to You” itong darating na Lunes sa GMA Telebabad.
Samantala, tingnan ang ilang behind-the-scenes photos ng “On My Way to You”: