TV

Elijah Alejo, na-challenge sa 'naive' role sa crime thriller mini-series na 'I Can See You: The Lookout'

By Dianara Alegre

Napanood ang pilot episode ng ikatlong installment ng I Can See You Season 2, ang crime thriller mini-series na “The Lookout.”

Ang mini-series ay pinagbibidahan nina Kapuso Primetime Princess Barbie Forteza, Kapuso hunk Paul Salas, at veteran actor Christopher de Leon.

Sinusundan sa “The Lookout” ang istorya ni Emma, ang magician assistant na nagdesisyong kumapit sa patalim para makahanap ng perang ipangtutustos sa medical bills ng kanyang may sakit na kapatid.

Dahil wala nang ibang maisip na paraan na pagkukunan ng pera, pumayag si Emma na maging kasabwat at lookout sa plano ng kababata niyang si Dalo na pagnakawan ang pamilya Penuliar, ang mayamang pamilyang nakatira sa village malapit sa squatters area na kanilang tinitirhan.

Laking-gulat na lamang nila nang pagpasok sa bahay ng mga Penuliar ay tumambad sa kanila ang wala nang buhay na kasambahay ng mga ito.

Bukod kina Barbie, Paul, at Christopher, tampok din sa show sina Adrian Alandy, Arthur Solinap, Marina Benipayo, Elijah Alejo, Luis Hontiveros, Ella Cristofani, Jana Trias, at Benjie Paras.

Sa panayam ng 24 Oras, ibinahagi ng cast ng I Can See You: The Lookout na umabot ng limang araw ang lock-in taping nila para rito.

Ayon kay Barbie, kahit na sumabak na siya noong nakaraang taon sa lock-in taping ng seryeng Anak ni Waray vs Anak ni Biday ay nanibago pa rin siya sa taping ng mini-series.

Dagdag pa niya, may mga gamit pa rin umano siyang nakalimutang bitbitin sa set location.

“Parang feeling ko it's safe to say na kada lock-in, iba-iba talaga 'yung requirements, iba't iba 'yung kailangan. Kasi siyempre 'yung pag-i-stay-an namin hindi naman pare-parehas hindi naman same hotel,” aniya.

Para naman sa premyadong aktor na si Christopher, mas “equipped” siya sa latest lock-in taping niya kaysa noon.

Matatandaan ding tinamaan ng COVID-19 ang aktor noong nakaraang taon kaya nang tanungin kung may naramdaman ba siyang takot sa pagsabak ulit sa trabaho, aniya, “No. Fearless na. Alam ko na how to go about, kung anong dadalhin. I'm more equipped now. Very safe naman ang taping area and everybody was doing their job.”

Para sa kaligtasan ng cast at crew, mahigpit na binantayan ang pagsunod sa safety protocols sa taping. Dahil sa ilang limitasyon, aminado si Luis na kinailangan niya mag-adjust.

“Mine-maintain sa set 'yung physical distancing. So every time na tuturuan ng stunt director or with rehearsals ng co-actors it helps a lot na nag-uusap-usap kami before we do the scene para mas madali.

“May mga certain limitations ngayon lalo na kunwari we have to rehearse wearing a mask,” aniya.

Samantala, dahil bago sa kanila, medyo na-challenge umano sina Paul at Elijah sa ginampanan nilang mga role.

Si Paul ang tampok sa karakter na si Marcus Penuliar habang ang young actress naman ang gumanap sa role ng nakababatang kapatid ni Marcus na si Christine Penuliar.

“Tingin ko nung first day nag-a-adjust po ako kasi the way rich kids eat, the way rich kids move,” ani Paul.

Sabi naman ni Elijah: “Medyo nanibago po ako sa character ko po na napakabait, napakahinhin, and napaka-naive when 'yung 'yung dating character ko po kasi masyadong nakakainis sa buhay.”

Si Elijah Alejo ang gumanap bilang ang kontra bidang si Brianna sa high-rating afternoon series na Prima Donnas na pinagbidahan nina Jillian Ward, Althea Ablan, at Sofia Pablo.

Mula sa direksyon nina Jules Katanyag at L.A. Madridejos, mapanonood ang I Can See You: The Lookout mula Lunes hanggang Biyernes, April 19 - 23, sa GMA, GTV, at Heart of Asia.

Para sa mga Kapuso abroad, maaari itong mapanood sa GMA Pinoy TV.

Kilalanin ang buong cast ng I Can See You: The Lookout at kanilang mga karakter sa gallery na ito: